ni Lolet Abania | February 18, 2021
Sa kabila ng nabakunahan na, isang overseas Filipino worker (OFW) na dumating sa bansa mula sa United Arab Emirates ang tinamaan pa rin ng COVID-19, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Sa interview ngayong Huwebes kay DOH Spokesperson Mary Jean Loreche, binanggit niyang ang OFW ay umuwi sa bansa noong January 5 matapos na maturukan ng dalawang COVID-19 vaccine doses noong December 12, 2020 at January 2, 2021.
Ang OFW ay nagpositibo sa test sa COVID-19 makaraang sumailalim sa standard quarantine at testing procedures para sa mga returning overseas Filipino.
Lima naman sa pitong miyembro ng pamilya ng OFW ang nagpositibo rin sa test sa coronavirus na isinailalim na sa isolation.
“Alam naman po natin ang isang tao kahit nabigyan na ng bakuna, hindi naman po ito garantiya na ikaw ay magkakaroon na ng immunity,” ani Loreche.
“Ang epekto ng bakuna ay to prevent a severe disease. Kung ikaw ay nabakunahan at magkakaroon ka man ng COVID, hindi po ikaw magiging grabe. Hindi ka ipapasok sa intensive care unit,” dagdag ni Loreche.
Ayon kay Loreche, binibigyang-importansiya nila ang “tagumpay” ng COVID-19 vaccines sa nangyari sa nasabing OFW dahil walang naging masamang epekto ito sa kanya matapos na mabakunahan.
“Wala rin po siyang sintomas from the time na dumating to the time na-swab at lumabas ang resulta. Hanggang ngayon, wala pong nararamdaman ang ating kababayan,” saad ng spokesperson.
Gayunman, dagdag ni Loreche, nananatiling wala pang patunay kung mapipigilan ng COVID-19 vaccines ang transmission.
“Sa mga datos ng mga bakuna natin… It can prevent severe disease, it can prevent clinical disease, pero to prevent transmission, hindi po clear cut ‘yan kaya hindi po natin masasabi na ikaw, kung nabakunahan ka, hindi ka na makakahawa,” sabi pa niya.