ni Lolet Abania | February 23, 2021
Nakuryente ang isang 2-anyos na batang lalaki at namatay matapos isaksak ang kutsara sa extension cord sa Quezon City kamakailan.
Kinilala ang biktima na si Jake Angara na nagdiwang ng ika-2 kaarawan noong February 7.
Ayon kay Eloisa Acay Angara, nanay ng biktima, humihingi ng gatas sa kanya ang anak kaya ipinagtimpla niya ito. Sinabi pa ng ina na inilagay umano niya ang kutsara sa mataas na parte ng bahay para hindi ito maabot ng kanyang anak.
"Nu'ng time na bubuksan ko na 'yung ano, 'yung pintuan, may pumutok. Kinabahan ako, pero akala ko, may nalaglag lang," sabi ni Eloisa.
"Napasigaw ang asawa ko. Ang sabi niya, 'Bem, si Jake, na-ground!'" dagdag ni Eloisa.
Naabot at nakuha ng bata ang kutsara at isinaksak ito sa extension cord.
Agad nilang isinugod sa ospital ang bata subalit binawian din ito ng buhay.
Kuwento ng mga kaanak, si Jake ay isang malambing, masunurin at matalinong bata.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco, napakadelikado ng pagsasaksak ng anumang metal na bagay sa extension cord o power outlet.
"Maaari talagang maaksidente 'pag 'yan ay kinalikot o mayroong object na baka na-insert o kaya iyong daliri, inilagay mismo doon sa opening ng outlet," ani Zaldarriaga.
Pinapayuhan naman ng mga awtoridad na iligpit agad ang extension cord pagkatapos gamitin. Gayundin, mayroong mga safety devices para matakpan ang mga electric outlet.