ni Lolet Abania | February 25, 2021
Pumanaw na si dating Cavite governor Erineo "Ayong" Maliksi sa edad na 82.
Sa Facebook account ng kanyang anak na si Imus Mayor Emmanuel Maliksi, kinumpirma nito ang pagkamatay ng ama.
"Ang aming pamilya ay lubos na nagdadalamhati sa pagpanaw ng aking ama, Erineo 'Ayong' S. Maliksi," post ni Mayor Maliksi.
"Higit sa pagiging isang serbisyo-publiko, ikaw ay naging isang mapagmahal at mapagkalingang ama sa amin. Maraming salamat sa iyong pagmamahal at sa mga aral na patuloy naming babaunin," dagdag pa ng alkalde.
Gayunman, hindi binanggit ni Mayor Maliksi ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama, maging ang eksaktong petsa ng pagpanaw nito. Nagsimula ang political career ni Ayong Maliksi bilang vice-mayor ng Imus mula 1980 hanggang 1986 at nahalal na mayor naman ng Imus noong 1988 na nagpatuloy hanggang 1998.
Naglingkod din si Ayong bilang gobernador ng Cavite mula 2001 hanggang 2010, at naging miyembro ng House of Representatives mula 1998 hanggang 2001, at mula 2010 hanggang 2013.
Nagsilbi rin si Maliksi bilang chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office mula 2015 hanggang 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating Presidente Benigno Aquino III.