ni Lolet Abania | March 3, 2021
Dalawang pasyente sa South Korea ang naiulat na namatay ilang araw matapos na maturukan ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca.
Dahil dito, mag-iimbestiga ang South Korean authorities sa kaso ng mga biktima na parehong may pre-existing conditions bago pa nabigyan ng nasabing vaccine.
Ayon sa ulat ng Yonhap news agency, isang 63-anyos na nursing home patient na may cerebrovascular disease ang nagkaroon ng mga sintomas, kabilang na ang mataas na lagnat, matapos makatanggap ng AstraZeneca vaccine.
Agad siyang dinala sa mas malaking ospital noong Martes, subalit namatay makaraang magpakita ng mga sintomas ng blood poisoning at pneumonia.
Isa pang nasa edad 50 na may cardiac disorder at diabetes ang namatay nitong Miyerkules matapos makaranas ng multiple heart attacks, kung saan nabigyan ng COVID-19 vaccine sa pareho ring araw, ayon pa sa Yonhap news agency.
Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Korea Disease Control and Prevention Agency (KDCA) sa Reuters na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa naging sanhi ng pagkamatay ng dalawa, subalit hindi na nagbigay pa ng detalye at kumpirmasyon sa pahayag ng Yonhap news agency at pagkakakilanlan ng mga biktima.
Hindi rin nagbigay ng komento ang spokeswoman ng AstraZeneca sa Seoul tungkol sa insidente.
Sinimulan ng South Korea ang kanilang pagbabakuna noong nakaraang linggo. Isinagawa ito nu'ng Martes nang hatinggabi na umabot sa 85,904 katao ang naturukan ng first doses ng AstraZeneca vaccine habang may 1,524 naman na nakatanggap ng Pfizer shots, ayon sa pahayag ng KDCA.
Umabot na sa 90,816 ang infected ng COVID-19 sa South Korea habang may 1,612 ang namatay dahil sa coronavirus.