ni Lolet Abania | December 2, 2021
Hindi akalain ng mag-asawang John at Arneeh Bautista na sa kabila ng kanilang pagiging maingat sa maraming bagay ay darating ang matinding pagsubok sa kanilang pamilya— ang tamaan sila ng COVID-19.
Naganap ito noong Agosto ngayong taon nang umuwi ng bahay si John galing sa kanyang trabaho. Nakaramdam siya ng sobrang pagod at inuubo kaya sinabi niya ito agad sa kanyang misis.
Dahil maalam naman sa mga gamot si Arneeh, professor sa University of Santo Tomas (UST) na isa ring doctorate degree at nagtapos ng Pharmacy, tinawagan niya agad ang kaanak na doktor para maresetahan ng antibiotic at maipainom ito kay John, na may sinat na rin nang gabing ‘yun.
Kinabukasan, pumasok pa rin si John sa trabaho dahil maigi na raw ang kanyang pakiramdam habang si Arneeh ay naka-work from home. Nang araw na ‘yun, habang nagdidilig si Arneeh sa garden, nakaramdam siya ng matinding sakit ng katawan at sa pakiwari niya ay may lagnat na rin. Kinuha niya agad ang thermometer at mga damit saka nag-isolate sa kanilang guest room. Lumabas sa kanyang temperature na 39.8 degrees Celsius.
Tinawagan ni Arneeh ang dalawang anak na babae sa cell phone at sinabing naroon lamang siya sa guest room habang nilalagnat na.
Naghanap at nagtatawag na sa mga ospital ang kanyang anak, pero walang available na slot para sa kanilang mag-asawa. Tumawag na rin ang kanyang anak sa Valenzuela CESO para mapuntahan sa bahay at mai-swab test ang mag-asawa. Apat silang nai-swab test at lumabas na negative ang dalawang anak, pero sina John at Arneeh ay nagpositibo sa COVID-19.
Sa loob ng guest room, nakaramdam si Arneeh ng pagsisikip ng dibdib at nahihirapan na rin siyang huminga at dahil mayroon silang mga gamit, lumabas sa kanyang oxygen level na 88 o 89.
Bagama’t may kaba, nanalangin si Arneeh ng patnubay ng Panginoon at hiling ng kagalingan.
Hanggang sa isang ambulansiya ang dumating sa bahay at dinala silang mag-asawa sa E.
Rodriguez Memorial Medical Center sa Tala, Caloocan City.
Nang ma-confine sila sa facility ng Tala, napunta sa quarters ng mga lalaki si John habang si Arneeh sa mga babaeng may mga COVID-19.
Sa unang araw ni John sa Tala na puro COVID patients lang ang tinatanggap, nadatnan niya ang isang patay na inilalabas na sa kuwarto. Sa kabila ng kaba ni John, nanaig pa rin ang kanyang faith sa Diyos na gagaling siya at ang kanyang asawa.
Sa kuwarto naman ni Arneeh, dinatnan niya ang apat na babae, ang isa ay tulala, ang isa ay paralyzed na, ang isa ay iyak nang iyak, at ang isa ay hysterical na lahat sila ay naka-oxygen.
Kuwento ng mag-asawa, inaasikaso naman sila ng mga healthcare workers ng Tala dahil tinest agad ang kanilang dugo, in-X-ray habang sa second day ay pinainom na sila ng kanilang maintenance na mga gamot laban sa COVID at vitamins.
Sabi ni John, “Tinitingnan kami ng mga doktor, isa-isa at may sari-sariling doktor. Paulit-ulit na tini-test ang oxygen level namin na kailangan nasa 95 pataas. Inalagaan nila kami.
Sinasaksakan ng injection ang mga kasama ko, ako rin ay nasaksakan ng injection. ‘Yung iba tinubuhan sa likod, siguro gamot sa COVID ‘yun… Kapag 99 ang oxygen level, tuwang-tuwa ‘yung mga doktor at nurse. Talagang inalagaan kami, yung nurse, doktor, pharmacist.”
Tinanong ko si John kung ano’ng naramdaman niya nang malaman na positive siya sa COVID-19. Aniya, “Day one, talagang natakot kasi first time kong makakita ng pasyenteng naghihingalo, ‘yung isa patay na nu’ng pagpasok ko, matatakot ka talaga, tapos wala kaming bantay. Dumating din ang time na dahil hiwalay kami ng misis ko, okey lang, pero nu’ng nilagay sa isip ko ng demonyo na patay na raw ang misis ko, talagang kinabahan ako, pero salamat sa Diyos, ‘yung salita ng Diyos ang ipinanlaban ko, ‘Na kung nanatili ka sa Akin at ang salita Ko’y nasa iyo, anuman ang maibigan mo ay ipagkakaloob Ko.’ Kaya hayun, sabi ko, hinihiling ko na mabuhay pa ang misis ko. Eh, ngayon buhay siya, pero talagang sabi nila, dumapa na raw siya, talagang parang nararamdaman niya na kukunin na siya, eh. Talagang nahirapan ang misis ko, pero salamat sa Diyos na buhay siya.”
Nang tanungin kung dumating sa puntong susuko na sila, sabi ni John, “Hindi ako dumating sa ganu’n. Kasi ang salita ng Diyos ay talagang buhay, kaya sabi ko, ‘mabubuhay pa kami, Lord!’
Talagang matatakot ka, pero natutunan ko kay Bishop Emi na there are 366 fear not, kaya ‘yung may COVID ‘wag kayong matatakot, kasi minsan ‘yung COVID, mamamatay ka ‘pag natakot ka. Sasabihin na, ‘mamamatay na ako sa COVID’, hayun namatay nga siya! Kitang-kita ko ‘yun, patay talaga siya, kaya ‘wag kayong matakot, talagang maraming nabubuhay kahit na nagkaroon ng COVID.”
Mas matindi ang inabot ni Arneeh habang kasama ang mga ibang COVID patients sa kanilang kuwarto. Sa tanong na ano’ng naramdaman niya nang mag-positive na siya sa COVID at mga naging experience niya sa loob ng Tala facility, ani Arneeh, “Natakot, siyempre, tao lang din ako na nakakaramdam ng takot. Nakikita ko ang mga kasama ko na parang nawawalan na sila ng pag-asa. ‘Yung isa, tulala, may hysterical at sigaw nang sigaw, ‘yung isa ay umiiyak. Lahat sila naka-oxygen na. Ako, sobrang init ko, may lagnat, nahirapan ako dahil walang electric fan.
Pakiramdam ko napakainit hanggang sa pumunta ako sa gitna ng kuwarto at du’n ako nananalangin sa Panginoon.
“Inaalagaan kami ng mga nurse, ‘yung mga doctor, sobra ring pag-aasikaso nila sa amin, pero ‘yung isang kasama ko, hindi kinakain ‘yung pagkain niya. Sabay-sabay sila na kitang-kita kong hirap na hirap silang huminga. Day one pa lang, nakaramdam na ako ng init, sobrang init, tapos walang hangin, kasi siguro dahil nilalagnat na nga ako.
“Pero salamat sa Diyos, hindi Niya ako pinabayaan. Kitang-kita ko silang lahat na talagang pinanghihinaan na, ‘yung isa kausap sa cell phone sinasabing, ‘Wala, hindi ko na kaya, wala na ako,’ ‘yung mga ganu’ng salita. ‘Yung isa naman sigaw nang sigaw, tapos ‘yung isa tulala na nakaupo na lang sa kama niya habang naka-oxygen, hindi niya kinakain ‘yung pagkain niya.”
Bukod sa kinakitaan ng kawalan ng pag-asa ng mga kasama ni Arneeh, nagbigay din ng pangamba sa kanya ang araw-araw niyang nakikita sa labas ng bintana.
Kuwento ni Arneeh, “Everyday, nakakakita ako sa bintana ng cadaver bag na ibinababa mula sa third floor, marami talaga, halos lima araw-araw na ibinababa ng mga health workers para siguro i-cremate. Kaya nasasabi ko sa sarili ko, ‘Thank you, Lord, buhay pa ako, buhay din ang asawa ko. Malalampasan namin ito. Naaalala ko ‘yung verse sa Bible sa Exodus 14:14, ‘The Lord will fight for you, and you have only to be silent.’ Siya ang lumaban sa COVID para sa akin. Saka ‘yung, ‘Be still and know that I am God.’ Sobra, ‘pag natatakot ako, ‘yan ang nagpapalakas sa akin.”
Pero nabago ‘yun lahat ng mga kasama niya sa kuwarto nang masabi niya ito sa kanila.
“Dahil siguro sa mga nakikita ko sa kanila, nasabi ko sa kanila na, ‘Kapit lang tayo sa Diyos, mabubuhay pa tayo, lalabas pa tayo rito at gagaling tayo. Kapit lang sa Panginoon, huwag tayong matakot, hindi niya tayo pababayaan.’”
Unti-unti na ring napayapa sa kuwarto, hanggang sa isang araw nang tumawag ang asawa ng kasama ni Arneeh sa anak nitong pinayagang magbantay sa nanay niya.
Humanap na raw ng puwedeng magdasal para sa kanyang ina. Inalok ni Arneeh kung gusto nitong ipag-pray ang kanyang ina. Nagsabi naman itong puwedeng bang ipagdasal ang ina. Nang gabing ‘yun, mahimbing ang tulog ng lahat at kinabukasan, nakita na lang nilang inilalabas ito at patay na.
Sabi ni Arneeh, “Kahit ganu’n, naging maayos din ang pagkamatay niya, tapos isa-isa na kaming lumalabas. Lahat kami nag-negative na pero dapat tapusin ‘yung 14 days. Sa paglabas ko, meron namang kapalit, sila ‘yung mga health workers, mga nurse na tinamaan na rin ng COVID.”
Bilang COVID survivor, ang maipapayo ng mag-asawa sa mga walang COVID at tinamaan ng sakit, sagot ni John, “Payo ko sa wala, eh ‘wag kayong magtapang-tapangan, kung sinabing mag-mask, mag-mask. Talagang hindi ka uurungan ng COVID, nand’yan lang ‘yan sa tabi-tabi.
Buti ngayon, maginhawa na tayo, wala na yata, lumayas na yata, bumalik na yata ng China.
Palagay ko, hindi na babalik ‘yun. Para sa tinamaan ng COVID, magandang experience ‘yun.
Hangga’t nabubuhay kami, ipagmamalaki namin na nagka-COVID kami at gumaling kami sa ospital ng gobyerno. At saka sa Panginoon talaga, ‘yun ang nagpagaling sa amin, ‘yung salita ng Diyos talaga!
“Ang COVID hindi namimili, tayo namimili pa ng bakuna, kahit sino puwedeng tamaan, kahit may pera ka pa o kahit may bakuna ka, hindi talaga namimili ang COVID. Kaya kung may pagkakataon na magpabakuna, gawin niyo na para may proteksiyon sa sakit. Saka ‘yung pangako ng Panginoon, ‘I stand in the promises of God and His provisions,’” sabi naman ni Arneeh.
Sabi pa nina John at Arneeh, “Ang nagpagaling sa amin, ‘yung salita ng Diyos sa John 19:30 ang pinanghawakan namin, ang ginawa ni Hesus sa krus na sinabi Niya na, ‘It is finished!’
Kaya tapos na ang COVID, tapos na ang COVID sa pamilya namin. I-claim niyo rin. ‘Yun ang tagumpay ni Hesus, tinapos na niya ang COVID.”