ni Lolet Abania | April 23, 2022
Nagsagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng vote counting machine (VCM) demonstration at mock elections sa maraming mga malls sa Metro Manila ngayong Sabado.
Sa ulat, ang naturang aktibidad ay ginawa sa SM North EDSA, SM Megamall, at SM Aura Tower.
Ilan sa mga nag-monitor ng mga activities sa mga malls ay sina Comelec Commissioner Aimee Ferolino at Comelec Spokesperson James Jimenez.
Ayon kay Jimenez, nakatanggap sila ng mga positibong feedback sa ginanap na events mula sa mga lumahok dito. Aniya, marami sa mga mall goers ay madaling natutunan ang automated election system, kung saan gagawin din nila ito sa aktuwal na eleksyon sa Mayo 9.
Sa ginanap na VCM demonstration, tinuruan ang mga botante ng tamang pag-shade ng mga balota, pag-insert ng balota papasok sa machine, at tamang pagkuha ng voter-verified paper audit trail (VVPAT).
Ka-partner ng Comelec ang mga SM Supermalls para i-educate ang mga botante kaugnay sa automated election system na isasagawa sa bansa.
Sinabi naman ni SM Supermalls President Steven Tan na lahat ng kanilang 78 malls nationwide ay handang lumahok sa nasabing inisyatibo.
Ang VCM demo sa Luzon ay tatagal mula Abril 20 hanggang 24, habang sa Visayas at Mindanao ay mula naman Abril 22 hanggang 24.