ni Lolet Abania | April 25, 2022
Hindi na isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) ang vice presidential at presidential town hall debates, kung saan kanilang ini-reschedule sa Abril 30 at Mayo 1. Sa halip, ayon sa Comelec ay magkakaroon na lamang ng panel interview sa bawat kandidato dahil anila sa tinatawag na, “inevitable scheduling conflicts".
“The Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), has announced that the concluding event of the PiliPinas Debates 2022 Series will no longer be Vice-Presidential and Presidential Town Hall Debates,” saad ni Comelec Commissioner George Garcia sa isang mensahe sa mga reporters ngayong Lunes.
“In consideration of the inevitable scheduling conflicts as the candidates approach the homestretch of the campaign period, and as advised by the KBP, the COMELEC will now be adopting a Single Candidate/Team - Panel Interview format,” dagdag niya.
Sinabi ni Garcia na ang interviews sa mga kandidato ay ipapalabas mula Mayo 2 hanggang 6.
“All will be entitled to a 1 hr panel interview,” ani Garcia na dagdag niya, ang mga kandidato ay maaaring dumalo nang virtual o face-to-face.
Binanggit naman ni Garcia sa isang panayam na ang gagawing interview ay puwedeng one-on-one o may “partner” o “tandem".
Ayon pa sa opisyal, mag-iisyu rin ang Comelec ng advisory kaugnay sa naturang event.
Ang KBP na ang magiging partner ng Comelec sa event, dahil ito sa isyung kinasangkutan ng Impact Hub Manila, ang kanilang dating partner sa naunang presidential at vice presidential debates.
Unang naitakda ang town hall debates — ang pinal na mga debate bago ang May 9 elections — na gaganapin sana noong Abril 23 at 24. Subalit, iniurong ito nang Abril 30 at Mayo 1 sa gitna ng mga reports na ang Impact Hub Manila ay nabigong makapagbayad nang buo sa Sofitel Garden Plaza, ang official venue ng mga debates, para sa mga natapos nang mga debate.