ni Lolet Abania | April 25, 2022
Mariing pinabulaanan ni Comelec Commissioner George Garcia ang mga reports na ang pangalan ni Vice President Leni Robredo ay na-omit mula sa isang balota sa New Zealand, kung saan tinawag niya ang insidente na “fake news".
Sa isang interview ngayong Lunes, sinabi ni Garcia na ang mga balota ay iniimprenta by batch, kaya aniya, marami dapat na mga reklamo silang matatanggap kung ang naturang alegasyon ay totoo.
Ayon kay Garcia, isang dating miyembro ng New Zealand’s parliament na si Paulo Reyes Garcia, ang nagkumpirma ng receipt ng isang ballot na lahat ng mga pangalan ng mga kandidato ay present sa balota.
“Maniwala po kayo. Sa ating mga kababayan, hindi po totoo ‘yan, fake news po. Nagdeklara na po ang ating embahada diyan po sa New Zealand. Wala po silang natanggap kahit isa man na reklamo mula sa mga kababayan sa New Zealand,” giit ni Garcia.
“’Pag nagpi-print po kasi ng balota… hindi po kasi pwedeng isang piraso lang ang print. Batch po ‘yun. Kung isang halimbawa po, ‘yung number ng New Zealand ay isang buong batch ng isang libong balota, eh ‘di sana po kahapon pa lamang ay may isang libo na po tayong mga kababayan na nagreklamo na wala ang pangalan ng isang kandidato,” diin ni Garcia.
Samantala, nanawagan naman ang Philippine Embassy in New Zealand sa mga Pilipino na nagke-claim na nakatanggap ng balota na walang pangalan ng isang presidential candidate na agad itong ibalik sa diplomatic post para sa beripikasyon.
Ito ay matapos na isang larawan ng balota, kung saan nag-circulate sa social media nitong weekend, na na-omit umano ang pangalan ni Robredo sa listahan ng mga kandidato.
“Anyone who claims they have received a ballot with an erasure/non-appearance of any of the entries is requested to return the entire ballot package to the embassy so that we can verify the claim. The embassy is coordinating with the COMELEC accordingly,” batay sa statement ng embassy.
Ayon sa Philippine Embassy in Wellington, “it is committed to upholding the integrity of the national elections as we stand by our oath as career civil servants to uphold the values of patriotism, integrity, professionalism, excellence.”
Sinabi pa ni Garcia, na siyang head ng Comelec’s task force against fake news, patuloy nilang iimbestigahan ang insidente.