ni Lolet Abania | April 26, 2022
Inaalam na ng Department of Health (DOH) ang tungkol sa mga reports na isang ospital sa National Capital Region (NCR) ang umano’y nag-administer ng second COVID-19 booster shots sa mga health workers at senior citizens na hindi mga immunocompromised.
Sa isang statement ngayong Martes, sinabi ng DOH na ang pamunuan ng ospital na sangkot sa isyu ay nagpaliwanag na hindi nila sinasadyang mali ang pakahulugan o “unintentionally misinterpreted” ang mga guidelines na inilabas ng DOH hinggil sa second booster inoculation.
“The DOH and NVOC are currently coordinating with the relevant Health Care Facilities and Vaccination sites to prevent further instances of these events. The facilities in question have now since returned to administering boosters to ICPs (immunocompromised) only,” anila.
Nitong Abril 25, sinimulan ng gobyerno ang pagbabakuna ng second booster shot sa NCR, subalit para lamang ito sa immunocompromised population, na rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC).
Ang emergency use authorization (EUA) para sa second booster shot ay inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) para sa mga immunocompromised, senior citizens, at frontline health workers.
Gayunman, ayon sa DOH, nire-review pa ng HTAC ang mga evidence kaugnay dito na para sa mga matatanda at health workers.
Sa naunang advisory, binanggit ng DOH na ang maaaring mga nakatanggap na ng second booster sa ilalim ng immunocompromised category ay iyong mga may immunodeficiency, HIV, active cancer, indibidwal na nakatanggap ng transplants, mga umiinom ng immunosuppressive drugs gaya ng steroids, at mga pasyenteng bedridden na.
Ang mga vaccine brands naman na ibibigay sa kanila para sa second booster shot ay AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac, at Sinopharm.
Nitong Lunes, nakapagtala ang DOH ng tinatayang 12.9 milyong Pilipino na nakatanggap ng kanilang unang booster shots.
Ayon pa sa DOH, mahigit sa 67.4 milyon indibidwal o 74.98% ng target population ng gobyerno ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.