ni Lolet Abania | April 28, 2022
Dalawa pa lamang na kandidato sa ngayon ang nagkumpirma ng kanilang partisipasyon sa presidential at vice presidential panel interviews na isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) kapalit ng kinanselang town hall debates.
Tumanggi naman si Comelec Commissioner George Garcia na banggitin ang mga pangalan ng mga kandidato na nagpahayag na dadalo sila sa panel interview.
“Meron na pong nag-confirm sa ating dalawa subalit hindi muna natin ire-reveal ‘yung mga pangalan po nila,” ani Garcia sa Laging Handa public briefing ngayong Huwebes.
Ayon kay Garcia, tuloy pa rin ang panel interview kahit pa ilan lamang sa mga kandidato ang makikilahok dito.
“Kahit lahat sila ay um-attend at kahit ang iba ay hindi maka-attend ay tuloy na tuloy na ipapalabas natin ang interview sa kanila, kahit ‘yun ay 3 lamang, 4 lamang, tuloy po para fair sa lahat,” saad ng opisyal.
“Binigyan po namin sila hanggang ngayong araw na ito alas-singko ng hapon upang magbigay ng kanilang pagsang-ayon na sila ay available sa atin pong forum na gagawin,” sabi pa ni Garcia.
Matatandaan na ibinasura na ng Comelec ang kanilang town hall debates, na dapat sana ay huling bugso ito ng mga serye ng mga debate para sa May 9 elections, matapos na ang kanilang private partner, ang Impact Hub Manila ay mabigo umanong i-settle ang kanilang dues sa Sofitel Philippine Plaza Manila, ang naging venue para sa mga naunang debates.
Ayon kay Garcia, “The Comelec will send the panel to the location of the candidates to conduct the interview. Each candidate will be given an hour to discuss their insights and platforms.”
Ang pretaped interviews, na isasagawa sa tulong ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), ay ipapalabas mula Mayo 2 hanggang 6.
Sa mga kandidato, tanging si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tatakbo sa pagka-pangulo, ang nagpahayag ng katiyakan na hindi niya magagawang mag-participate sa naturang panel interview.
Sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Vic Rodriguez, Marcos “opted to conclude the entire 90-day campaign period with visits to his supporters and compliances with previous commitments for political events, like town hall meetings and political rallies.”