ni Lolet Abania | July 8, 2022
Dalawa ang patay matapos na isang elevator na nire-repair ang bumagsak sa gusali ng Burgundy Corporate Tower sa Gil Puyat, Barangay Pio del Pilar, Makati City, ngayong Biyernes ng umaga, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Base sa paunang report ng NCRPO, isang elevator car ang nahulog mula sa 38th floor sa basement ng naturang gusali habang ang mga biktima na kinilalang sina Manuel Linayao at Rey Miguel Gilera ay kinukumpuni ang elevator na nasa sixth floor bandang alas-2:55 ng hatinggabi.
Ayon sa pulisya, dalawa pang elevator installers ang nasaktan sa insidente.
“The abovementioned victims/deceased and with two other elevator installers... were fixing an elevator at 6th Floor when suddenly an elevator [coming] from 38th Floor accidentally fell to basement that resulted [in] the death of herein victims and injured two others,” pahayag ng pulisya.
Base sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang Special Rescue Force ng Makati ay rumesponde sa lugar bandang alas-3:46 ng madaling-araw habang may karagdagang ambulansya ang idineploy bandang alas-6:44 ng umaga.
Agad ding rumesponde ang dalawang rescue trucks ng SRF ng Makati at Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) team, gayundin ang tatlong ambulansiya sa lugar.
Nagsagawa naman ng rescue at retrieval operation sa lugar, kung saan unang naiulat ng BFP na may isang namatay sa insidente, subalit isa pang bangkay ang narekober ng mga awtoridad bandang alas-9:18 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.