ni Lolet Abania | November 1, 2022
Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) ngayong Martes na susundin nila ang ibinabang order ng Malacañang hinggil sa boluntaryong paggamit ng face masks sa mga indoor spaces, kung saan tuluyang papayagan ang mga estudyante na magtanggal ng kanilang masks na nasa in-person classes.
“We will follow [Executive Order No.] 7 and issue an amendatory [department order],” saad ni DepEd Spokesman Michael Poa bilang tugon patungkol sa face masking sa mga classrooms.
“Schools may immediately implement optional masking indoors,” dagdag ni Poa.
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang voluntary na pagsusuot ng face masks sa parehong indoor at outdoor areas sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19.
Sa ilalim ng nasabing order, ang paggamit ng face masks ay mananatiling mandatory sa mga health care facilities, medical transport vehicles at lahat ng uri ng public transportation.
Hinihikayat naman ang pagsusuot ng face mask sa mga senior citizens, mga indibidwal na may comorbidities, mga immunocompromised persons, buntis, unvaccinated, at iyong mga nakararanas ng COVID-19 symptoms.
Una nang iniutos ng DepEd, ang pagbabalik ng lahat ng mga pampublikong paaralan sa full face-to-face classes mula sa Miyerkules, Nobyembre 2, matapos ang mahigit 2 taon ng distance at blended learning dahil sa pandemya.
Gayunman, papayagan naman ng ahensiya ang ilang exemptions, kabilang dito ang mga paaralan na naapektuhan ng katatapos lamang na sakuna.
“Exemptions are [also] within the authority of the regional directors,” pahayag ni Poa sa mga reporters.
Tumanggi naman ang DepEd na mag-release ng datos ng mga COVID-19 cases sa mga paaralan, habang ipinauubaya nila anila ito sa mga lokal na gobyerno para ilabas ang mga bilang ng kaso.