ni Lolet Abania | August 29, 2020
Nakatakdang isailalim sa 14-day lockdown ang OB-Gyne department ng Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City, simula sa Lunes, August 31 hanggang September 14.
Sa memorandum na ipinalabas ng chief OB-Gyne section ng QMC na si Dr. Belen T. Garana, tumaas ang bilang ng mga kaso ng nagpositibong buntis sa coronavirus o COVID-19 ng ospital nitong nakalipas na dalawang linggo kaya ipapatupad ang total lockdown.
Gayunman, marami sa mga ito ay asymptomatic at inilagay na sa non-COVID section ng ospital.
Gayundin, dalawa sa mga doktor ng OB-Gyne department ang nagpositibo sa test sa COVID-19 at tatlong doktor ang na-expose o naging closed contact ng mga ito, na nakatalaga sa OB emergency room at delivery room. Naka-quarantine na ang mga na-expose sa virus.
Samantala, isasara ang OB Emergency Room at magsasagawa rin ng disinfection. Patuloy naman ang operasyon sa OB Ward at testing para sa COVID-19, kung saan magpapatupad lamang ng skeletal force na magseserbisyo sa delivery room ng ospital.
Nakapagtala ng 223 kumpirmadong kaso ng coronavirus ang Lucena. Sa buong probinsiya ng Quezon, mayroong 1,005 cases, umabot sa 389 ang gumaling at 34 ang namatay.