ni Lolet Abania | March 28, 2021
Mahigit sa 1,000 quarantine control points (QCPs) ang ilalatag sa Metro Manila at karatig lalawigan habang ang mga lugar na ito ay nakasailalim sa isang linggong enhanced community quarantine (ECQ), ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Police Lieutenant General Cesar Hawthorne Binag, may kabuuang 1,106 checkpoints habang 9,356 law enforcers ang nakatakdang italaga mula alas-6 ng gabi ngayong Linggo sa mga lugar na nasa ilalim ng mas mahigpit na lockdown. "At 6 p.m. they will be pre-positioned, but the implementation will start 12:01 a.m. [Monday]," ani Binag.
Sa inilabas ng PNP, ang mga inilatag na checkpoints at itinalagang PNP personnel sa bawat rehiyon ay ang mga sumusunod:
1. NCRPO (National Capital Region Police Office) - 929 QCPs, 2,297 police personnel
2. Police Regional Office - 3 (Central Luzon) - 162 checkpoints, 982 police personnel
3. Police Regional Office - 4A (Calabarzon) - 15 checkpoints, 498 police personnel Isinailalim ng gobyerno ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna sa mas mahigpit na quarantine mula March 29 hanggang April 4 matapos na makapagtala ng mahigit 9,000 bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw.
Sinabi rin ni Binag na ang mga dating checkpoints sa panahon ng general community quarantine (GCQ) ay kabilang sa 1,106 kabuuang checkpoints na bubuhayin nila ngayong ECQ.
Ayon pa kay Binag, magtatalaga rin ng mga PNP personnel sa mga lugar na matatao gaya ng palengke, groceries at ibang establisimyento na nagbibigay ng basic services dahil marami ang mamimili ng mga essential goods.