ni Jasmin Joy Evangelista | September 10, 2021
Marami ang nadismaya nang biglang bawiin ang desisyon na ilagay na sa GCQ ang Metro Manila at panatilihin sa MECQ.
Kabilang na rito ang mga may trabaho at negosyo dahil sa pag-aakalang luluwag na ang community quarantine status at makapagbubukas o makapagtatrabaho na nang mas maluwag.
Dapat kasi'y ilalagay na noong Miyerkoles ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) with alert level system pero binawi ito at pinalawig pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa capital region hanggang Setyembre 15.
Dahil dito, ipinanukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa Inter-Agency Task Force na simplehan na lang ang quarantine restrictions para madaling maintindihan at maipatupad.
"If you can keep it to GCQ 1 and GCQ 2, but if you really have to, then you limit to 3 [alert] levels... huwag muna ilagay 'yong 4," ani Concepcion.
"What will determine [a] restaurant to operate at 20 percent, at 40 percent? So I think let's simplify it," dagdag niya.
Iminungkahi rin ni Concepcion na subukan na ang "bakuna bubble" sa Metro Manila kahit pa palawigin ang MECQ hanggang katapusan ng Setyembre.
Sa ilalim ng "bakuna bubble," bibigyan ng pribilehiyo ang mga bakunadong indibidwal na makapasok sa ilang establisimyento at transportasyon.