ni Mary Gutierrez Almirañez | March 18, 2021
Isinailalim na sa 4-day lockdown ang House of Representatives matapos magpositibo sa COVID-19 ang 33 na miyembro nito, ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza ngayong Huwebes, Marso 18.
Itinuturing na ‘alarming’ ang sitwasyon sa kapulungan, kung saan unang iniulat na positibo rin sa naturang virus sina Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor, Majority Leader Martin Romualdez at Negros Oriental Representative Jocelyn Sy Limkaichong.
Gayunman, iginiit niyang hindi pa kasama sa 33 ang tatlong nabanggit sapagkat sa labas ng House of Representatives isinagawa ang tests sa mga ito.
Batay naman kay House Speaker Lord Allan Velasco, ipinatupad ang lockdown bilang isang ‘precautionary measure’ upang maproteksiyunan ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga empleyado.
Samantala, sinimulan na ring i-lockdown ang Senate building simula nitong Miyerkules nang gabi at magtatapos sa ika-23 ng Marso, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Aniya, magre-resume ang lahat ng session sa ika-24 ng Marso.