top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 6, 2021




Magtatayo ng vaccination hub ang Office of the Vice-President (OVP) sa Maynila, ayon kay Bise-Presidente Leni Robredo sa kanyang weekly radio program.


Aniya, nakipagkita siya kay Manila Mayor Isko Moreno upang mapag-usapan ang pinaplanong mobile vaccination, kung saan economic frontliners ang prayoridad mabakunahan kontra COVID-19.


Sabi pa niya, "Ipa-pilot na natin ‘yung Manila City sa mobile vaccination para ipakita na it can be done.”


"So ngayon, nagta-time and motion study kami, naghahanap kami ng lugar na puwedeng gawan. ‘Yung nagbabakuna, hindi na kailangang bumaba sa sasakyan. Ang uunahin namin ay ibang frontliners, non-medical frontliners na kailangan ng protection," dagdag niya.


Iginiit din ni Robredo na tinatarget nilang mabakunahan ang 24,000 indibidwal.


Samantala, inirekomenda rin niya ang mga intern sa nursing at medical schools para maging COVID-19 vaccinators.


Aniya, "Ie-explore namin kung papayag, puwedeng mag-partner tayo with a medical school, partner with a nursing school na 'yung mga estudyanteng nag-clerk na, nag-i-intern na, nag-hospital duty na mapayagan magbakuna basta supervised."


Kaugnay ito sa kakulangan ng vaccinators sa ilang local government units (LGU) kaya bumabagal ang rollout kahit may sapat na suplay ng bakuna.


Sa ngayon ay 5.38 million indibidwal na ang nabakunahan laban sa COVID-19. Kabilang dito ang 1.2 million na fully vaccinated o nakakumpleto sa dalawang turok, at ang 4,088,422 indibidwal na nabakunahan ng unang dose.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 31, 2021




Nagkasundo ang 17 Metro Manila mayors na panatilihin sa general community quarantine (GCQ) ang buong NCR Plus sa pagtatapos ng umiiral na heightened GCQ ngayong araw, May 31.


Ayon kay Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, "Ang recommendation ng Metro Manila Council ay GCQ pa rin po tayo pero may kaunting pagbubukas ng kaunting negosyo."


Paliwanag niya, "'Di po tayo puwede mag-relax. Alam po nating bumababa ang cases at utilization ng healthcare pero ‘di po tayo kailangang mag-relax para totally ma-contain ang COVID na ito."


Sa ngayon ay kani-kanyang pakulo na ang bawat local government units (LGU) upang mahikayat ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19.


"Ang ibang LGU, nag-umpisa nang magpa-raffle para ma-encourage... Pinag-uusapan po para uniform ang policy," sabi pa ni Olivarez.


Kaugnay nito, inaasahan na ring magsisimula ngayong Hunyo ang vaccination rollout sa mahigit 30 million economic frontliners at essential workers na nasa ilalim ng A4 priority list.


Giit pa ni Department of Labor and Employment (DOLE) Assistant Secretary Ma. Teresita Cujueco, "Isinama na ang private workers who go out of their residences, who physically have to report to work, all government employees. Nandu’n din po ang informal sector and self-employed who go out of their residences."


Sa kabuuang bilang nama’y 5,120,023 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra COVID-19. Kabilang dito ang 1,189,353 na fully vaccinated at ang 3,930,670 na nabakunahan ng unang dose.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page