ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 31, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Nabanggit natin sa nakaraang isyu na may panahon sa kasaysayan ng mundo na ang mga tao ay bawal magtanong kaya ang mga katagang “Do not be afraid to ask questions,” na nagdala kay Albert Einstein sa rurok ng kadakilaan ay hindi magawa ng mga tao.
Ito ay naganap noong Dark Ages kung saan ang mga tao ay sobrang naghihirap, nag-aaway, nagpapatayan at walang kasiguraduhan ang kinabukasan. Sa panahong nabanggit, Simbahan lang ang nasusunod at sa ibang lugar naman ay mga monarkiya ang naghahari.
Ang mga patayan ay ang labanan ng mga Muslim at Kristiyano na ang layunin ay malaman kung sino ang maghahari sa lugar kung saan isinilang si Kristo. Ito rin ang panahon ng crusade na ang mga kabalerong Kristiyano ay lulusob sa mga Muslim at ang mga Muslim naman ay hindi magdadalawang-isip na labanan sila.
Muslim man o Kristiyano, ang naganap ay patayan ng magkakapatid dahil ang dalawang pangkat ay kapwa-tao.
Dahil nakatutok ang Simbahan sa nasabing labanan, napabayaan na ang agrikultura dahil ang mga lalaking magsasaka ay sinasanay sa pakikipaglaban. Napabayaan din ang kabuhayan o ekonomiya dahil ang ginagastusan ay giyera at hindi ang pagpapaganda ng ekonomiya.
Sa ganitong kalagayan, sobrang dami ng naghirap at sinamantala naman ng mga may-kaya at mayayaman na ang lupang sakahan ay nakasanla sa kanila at ang aanihin ay sa kanila rin mapupunta.
Nakatutuwa dahil ito rin ang kalagayan ng mga magsasaka sa atin ngayon, sakahan man ng palay, kopra at sugarcane, parang walang nagbago sa takbo ng mundo dahil ang nangyari noon ay nangyayari pa rin ngayon.
Sa kabilang banda, ang mga lugar kung saan hari ang namumuno, sa takot sa mga Muslim na sila ay lusubin ay nagpalakas din ng mga puwersa. Sila ay nag-ipon ng mga sandata at tinibayan ang mga entrada ng kaharian. Nagdagdag din sila ng mga sundalo at nag-ipon ng mga pagkain sa palasyo. Kaya ang mga pangkaraniwang tao na naman ang nagdala ng hirap dahil ang mga buwis at ani ay napupunta sa hari.
Ang mga tao kumakapit na lang sa dasal, pero ang dasal nila ay ang idinikta ng Simbahan kung saan hindi puwedeng palitan ang mga letra o salita dahil kapag sinuway ito, siya ay mapagbibintangang nagrerebelde sa Simbahan. Pati ang oras kung kailan dapat magdasal ay idinidikta rin ng Simbahan.
Sa mga kaharian naman, ang mahuling nag-iimbak ng mga pagkain ay parurusahan sa harap ng mamamayan upang hindi tularan.
Pero ang nakapagtataka, halos lahat ng tao ay masunurin, kumbaga, umaasa sila sa power of the church na ang Simbahan ay magliligtas sa kanila sa sakit, gutom at kamatayan. Ganito rin ang naging kalagayan sa mga kaharian na ang mga tao ay umaasa sa kapangyarihan ng hari na hindi sila pababayaan.
May isang pangyayari na dumating sa mundo na kung tawagin ay “the last straw” na gumising sa kamalayan ng tao, pero ang naging kapalit ay namatay muna ang kahalati ng populasyon sa Europe bago ang pagkamulat ng kaisipan ng mga tao.
Ang dumating sa mga tao ay maituturing na salot o pandemya na nasa uri ng COVID-19.
Itutuloy