top of page
Search

ni Lolet Abania | November 10, 2022



Tiniyak ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa mga komyuter na wala pang isasagawang fare adjustments sa mga train lines sa Metro Manila na Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).


Sa isang news conference ngayong Huwebes, itinanggi ni LRTA administrator Hernando Cabrera ang lumabas na reports hinggil sa nagbabadyang taas-pasahe nila sa Disyembre.


“Walang pagbabago. Status quo tayo diyan. Hindi tayo mag-i-increase bukas, hindi tayo mag-i-increase next week, hindi tayo mag-i-increase next month,” pahayag ni Cabrera.


“Lahat ito dadaan sa mahabang process at kailangan i-evaluate lahat, lahat ng factors pagdating sa usapin ng fare adjustment,” dagdag ng opisyal.


Ayon kay Cabrera, ang mga panukala tungkol sa dagdag-pasahe ay isa lamang exercise na ginanap sa annual corporate planning ng LRTA kaugnay sa paghahanap ng mga paraan upang madagdagan ang subsidiya ng gobyerno para sa public transport.


Isa sa mga proposal ay ang pagdaragdag ng P5 sa kasalukuyang basic fare ng P11 at P1.50 para sa bawat additional kilometer. Sa ngayon, ang mga pasahero ng LRT ay namamasahe ng P30 sa isang biyahe sa kabuuan ng railway line.


Sinabi ni Cabrera na kung walang government subsidy, nasa P80 hanggang P100 ang idadagdag sa aktuwal na gastos sa pamasahe ng mga komyuter.


Aniya, marami pang mga kadahilanan na kanilang kinokonsidera para sa pagtataas ng rate nito. “Iba-balance natin ang mga bagay -- ‘yung subsidy galing from the government, ‘yung pangangailangan namin ng finances, and the reality na ‘pag taasan mo ‘yan iiwanan ka ng pasahero or they will go to other modes of transport, magiging self-defeating ang activity mo,” paliwanag ni Cabrera.


Ayon sa LRTA, nagbigay na rin ng direktiba si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa kanila na huwag aprubahan ang anumang fare hikes hangga’t kaya pa ring sagutin ng mga train operators ang operating costs. Huling nagtaas ng pasahe ang LRT-1, LRT-2, at MRT-3 noong 2015.



 
 

ni Lolet Abania | March 1, 2022



Inanunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ngayong Martes na magbibigay sila ng free one-day unlimited pass sa mga commuters na nagpabakuna kontra-COVID-19 sa iba’t ibang Light Rail Transit Line 2 (LRT2) vaccination sites.


Sa isang statement, ayon sa LRTA ang inisyatibong ito ay may kaugnayan sa ginagawang pagsisikap ng Department of Transportation (DOTr) para isulong ang ligtas na public transport system at makatulong sa COVID-19 vaccination drive ng gobyerno.


“This free ride program aims to encourage more commuters to get vaccinated and boosted. We need to step up our vaccination efforts in order to ensure the safety and protection of our commuting public,” pahayag ng LRTA Management.


Ang pass, kung saan valid para sa isang araw na unlimited use, ay agad na iiisyu matapos na mabakunahan ang pasahero sa LRT2 vax sites.


Ang pasahero na nais i-avail ang pagsakay sa LRT2 ay kailangang magprisinta ng kanyang pass at isang valid ID sa security o station personnel sa pagpasok ng mga gates para magamit ang nasabing free rides.


Noong nakaraang buwan, ang LRTA Recto at Antipolo Stations ay nagkaroon ng COVID-19 vaccination sites.


Sa Marso 7 naman, ayon sa pamunuan ng LRTA, magdadagdag sila ng vaccination site na gagawin sa LRT2 Araneta Center-Cubao station katuwang ang lokal na pamahalaan ng Quezon City.


Ang vaccination site sa Cubao ay bukas tuwing Lunes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan magbibigay ng unang dose at booster shots.


Ang Recto Station vax site naman ay bukas tuwing Martes at Huwebes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon habang ang Antipolo Station vax site ay bukas tuwing Miyerkules at Biyernes mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.


Ayon pa sa pamunuan ng LRTA, dahil sa nararanasang pagdami ng bilang ng mga nagnanais na magpabakuna kontra-COVID-19 o tinatawag nang vaccinees sa mga LRT2 sites, ang lokal na gobyerno ng Manila, Antipolo at Quezon City ay handang magdagdag ng initial target ng 200 vaccinees sa isang araw kada vaccination site hangga’t ito ay kinakailangan.


 
 
  • BULGAR
  • Aug 16, 2021

ni Lolet Abania | August 16, 2021



Nagpatupad ang Light Rail Transit Line 2 (LRT2) ng provisionary services ngayong Lunes nang hapon matapos na magkaroon ng technical problem, ayon sa pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA).


Sa isang advisory ng LRTA, ang mga serbisyo lamang ng tren ay mula sa Cubao hanggang Recto, at Santolan hanggang Antipolo. Wala namang ibang binanggit na detalye hinggil sa technical issues na naganap.


Gayundin, pinaigsi ang operasyon ng LRT2 sa gitna ng pagsasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila hanggang Agosto 20.


Ang unang trip ay aalis nang alas-5:00 ng umaga habang ang huling trip ay bibiyahe nang alas-6:20 ng gabi mula sa Santolan at Recto stations; alas-6:00 ng gabi mula naman sa Antipolo Station; at alas-6:50 ng gabi mula sa Santolan Station.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page