top of page
Search

ni Lolet Abania | October 12, 2022



Mahigit sa isang milyong estudyante ang nakikinabang sa ngayon mula sa programang libreng sakay ng Light Rail Transit-Line 2 (LRT2), ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA) ngayong Miyerkules.


Batay sa report ni LRTA administrator Hernando Cabrera, nakakapagserbisyo ang LRT2 ng tinatayang 30,000 estudyante araw-araw simula nang ipatupad ang free train rides noong Agosto 22 o sa unang araw ng face-to-face classes ngayong school year.


Nitong Martes, ayon kay Cabrera, nakapag-record sila ng nasa 38,000 estudyante na sumakay sa LRT2—ang pinakamataas na daily student ridership simula Agosto.


“As of yesterday, meron na tayong nabigay na libreng sakay para sa ating estudyante na 992,000. But on the daily average, meron tayong around 30,000 every day na libreng sakay para sa ating estudyante… Kapag kinombine natin ‘yung yesterday at ngayon araw, umabot na tayo sa one million mark natin,” pahayag ni Cabrera sa isang public briefing ngayong Miyerkules.


Bukod sa LRT2, ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) at Philippine National Railways (PNR) ay nag-provide din ng free train rides para sa mga estudyante, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.


Ayon kay Cabrera, ang LRT2 ay magpapatupad ng Libreng Sakay para sa mga estudyante hanggang Nobyembre 5, at magre-resume naman ng 20% student fare discount sa Nobyembre 6.


“So far, wala pa tayong natatanggap na abiso o any instructions para sa kanyang extension. Hinihintay natin ‘yan, but ready tayo. Just anytime sabihin lang nila na i-extend ‘yan, ready tayo to implement that,” dagdag ng opisyal.


Una nang sinabi ni Cabrera na kailangan lamang na iprisinta ng mga estudyante ang kanilang actual school ID o kanilang original enrollment form sa passenger assistance booth upang makakuha sila ng single journey ticket.


Gayunman, ang mga graduate school at guardians ng estudyante ay hindi kasama sa nasabing programa.


Noong Agosto nabanggit ng LRTA na nasa tinatayang 2.2 milyong estudyante ang inaasahang mabebenepisyuhan mula sa free LRT2 train rides para sa mga students.


 
 

ni Lolet Abania | June 17, 2022



Hindi na kailangan pang maghabol para sa huling sakay ng mga commuters sa Light Rail Transit Line 2 (LRT2) dahil pinalawig na ang operating hours ng railway, ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA).


Sa isang advisory ngayong Biyernes, ipinahayag ng LRTA na simula Hunyo 17, 2022, ang operasyon ng LRT2 ay papalawigin upang anila, “to serve more passengers.”


“From the original schedule of 8:30 p.m., the last commercial train departing from Antipolo station will be adjusted to 9:00 p.m.,” ani LRTA. Gayundin, ang huling commercial train na aalis mula Recto station ay magiging alas-9:30 ng gabi mula sa orihinal na alas-9:00 ng gabi.


“The move is line with the goal of the Department of Transportation (DOTr), under the leadership of Secretary Art Tugade, and the Light Rail Transit Authority to aid the commuting needs of the riding public by serving for longer hours as more employees are returning to onsite work and students attending face-to-face classes,” pahayag ng LRTA.


Ang 17-kilometer LRT2 ay mayroong 13 stations, sa kahabaan nito mula Recto Avenue sa Manila hanggang Masinag sa Antipolo, Rizal.


 
 

ni Lolet Abania | March 1, 2022



Inanunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ngayong Martes na magbibigay sila ng free one-day unlimited pass sa mga commuters na nagpabakuna kontra-COVID-19 sa iba’t ibang Light Rail Transit Line 2 (LRT2) vaccination sites.


Sa isang statement, ayon sa LRTA ang inisyatibong ito ay may kaugnayan sa ginagawang pagsisikap ng Department of Transportation (DOTr) para isulong ang ligtas na public transport system at makatulong sa COVID-19 vaccination drive ng gobyerno.


“This free ride program aims to encourage more commuters to get vaccinated and boosted. We need to step up our vaccination efforts in order to ensure the safety and protection of our commuting public,” pahayag ng LRTA Management.


Ang pass, kung saan valid para sa isang araw na unlimited use, ay agad na iiisyu matapos na mabakunahan ang pasahero sa LRT2 vax sites.


Ang pasahero na nais i-avail ang pagsakay sa LRT2 ay kailangang magprisinta ng kanyang pass at isang valid ID sa security o station personnel sa pagpasok ng mga gates para magamit ang nasabing free rides.


Noong nakaraang buwan, ang LRTA Recto at Antipolo Stations ay nagkaroon ng COVID-19 vaccination sites.


Sa Marso 7 naman, ayon sa pamunuan ng LRTA, magdadagdag sila ng vaccination site na gagawin sa LRT2 Araneta Center-Cubao station katuwang ang lokal na pamahalaan ng Quezon City.


Ang vaccination site sa Cubao ay bukas tuwing Lunes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan magbibigay ng unang dose at booster shots.


Ang Recto Station vax site naman ay bukas tuwing Martes at Huwebes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon habang ang Antipolo Station vax site ay bukas tuwing Miyerkules at Biyernes mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.


Ayon pa sa pamunuan ng LRTA, dahil sa nararanasang pagdami ng bilang ng mga nagnanais na magpabakuna kontra-COVID-19 o tinatawag nang vaccinees sa mga LRT2 sites, ang lokal na gobyerno ng Manila, Antipolo at Quezon City ay handang magdagdag ng initial target ng 200 vaccinees sa isang araw kada vaccination site hangga’t ito ay kinakailangan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page