ni Mylene Alfonso @News | August 20, 2023
Papalitan na ang Roosevelt Station sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 at isusunod na sa pangalan ng yumaong si Fernando Poe, Jr. (FPJ).
Pangungunahan ni Senador Grace Poe, anak ng kilalang personalidad, ang renaming rites, kasama sina dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III at Sen. Lito Lapid, alas-10 ng umaga.
"I hope people remember FPJ whenever they board this train. Public service has always been in FPJ's heart. Giving commuters a safe and comfortable ride is a way of keeping his legacy alive," wika ni Poe sa isang pahayag.
Kaugnay nito, pasisinayaan din ang bagong marker para sa screen icon, na 84-taong gulang na sana ngayong araw, maging ang pop-up exhibit para kay FPJ sa event.
Ayon kay Poe, dadalo rin sina Transportation Secretary Jaime Bautista at LRT Management Corporation president at CEO Juan Alfonso sa event.
Nabatid na makalipas ang isang taon nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagpapalit ng pangalan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City sa ngalan ng pumanaw na Filipino screen icon.
Matatandaang bumida si FPJ sa mahigit 300 pelikula, sa kanyang 46 taon sa entertainment industry. Dahil dito, kinilala siya bilang “King of Philippine Movies".
Matatagpuan ang dating tahanan ng National Artist sa kahabaan ng 2.9-kilometer Roosevelt Avenue, sa pagitan ng EDSA at Quezon Avenue.