top of page
Search

ni Marish Rivera (OJT) @Life & Style | Mar. 18, 2025





What makes a superhero?


Marami sa atin ang lumaki na bilib na bilib sa mga superhero. Halos ilan nga sa gamit natin ay kailangang sila pa ang disenyo.


Pero bakit? Ano nga bang meron sa kanila na hinahangaan natin kahit na fictional lamang sila?

Unang-una siguro ang katapangan at katatagan nila. ‘Yung literal na kung sinong humarang-harang ay sasamain.

Malaki rin ang malasakit ng mga superhero sa kanilang kapwa, selfless kumbaga.


Maaasahan ang kanilang katapatan at may integridad. Higit dito, nagsisilbi silang inspirasyon sa iba.

Hindi man natin aminin, hindi ba’t naglalagay din tayo ng kapa sa likod nu’ng mga bata pa?


Pero, hindi lamang sa aspetong ito sila nagiging inspirasyon, naeengganyo nila ang marami na ipalaganap ang kabutihan at gawin kung ano ang tama at nararapat.

Kung ito ang qualities ng isang superhero, saan naman tayo makakakita niyan in real life? May kilala ako, pero paalala lang na sa tunay na buhay, may mga superheroes na hindi kinakailangang magsuot ng kapa o lumunok ng bato.

Isa si Jennica Garcia sa kilalang mahusay na artista sa mundo ng showbiz. Ang career na meron siya ngayon, talagang pinaghirapan niya kahit na ang kanyang ina ay ang nag-iisang Jean Garcia.


Sa likod ng camera, ginagampanan niya ang napakahalaga at napakabigat na papel sa buhay, ang pagiging single mom sa kanyang dalawang prinsesa.


2021 nang mahiwalay sina Jennica at tatay ng mga anak niya na si Alwyn Uytingco. Kalaunan, nagdesisyon ang dalawa na magpa-annul ng kanilang marriage. Pero, nilinaw ni Jennica na in “good terms” pa rin sila ng estranged husband sa dahilang nag-uusap naman sila as they’re co-parenting sa mga anak.


Hindi naging madali sa mga bata na maintindihan ang kanilang sitwasyon, pero para kay Jennica, forgiveness is the key.


Kailangan niyang patawarin ang ama ng mga anak para maunawaan ng mga itong kahit hindi sila magkasama sa iisang bahay, magkaibigan at okay ang relasyon nila.


Saan kaya nanggagaling ang ganitong pananaw ni Jennica?

Mula rin sa isang broken family ang aktres. Bata pa lamang siya nang maghiwalay ang kanyang parents. Laking pasalamat lang ni Jennica sa kanyang tatay na si Jigo Garcia dahil sa effort nitong mapalapit siya sa mga half siblings, gayundin sa kanyang ina na never nagsalita ng masama tungkol sa kanyang ama.


Malaking adjustments ang ginawa ni Jennica at mga anak matapos ang kanilang hiwalayan ni Alwyn. Mula sa isang two-bedroom home ay lumipat sila sa isang studio-type condo unit.


Simula noon, itinaguyod na ni Jennica ang dalawang anak, at ngako siya sa sariling gagawin niya ang lahat maibigay lang kung ano ang deserve at pangangailangan nila.


Nakakatuwang makita ang “small wins” na ibinahagi ni Jennica sa social media. Matatandaang, naging emosyonal pa ang aktres nang i-share ang pagbili niya ng aircon at water heater para sa kanilang bahay.


Nito lang nakaraan ay nai-share rin niya sa isang interview ang kanilang “major milestone” mag-iina. Mula sa studio-type condo unit na nilipatan nila ay naka-two bedroom unit na sila at may hagdan pa, na kuwento ni Jennica, gusto ng kanyang mga anak na may stairs ang kanilang tirahan.


Talagang Nanay Jennica will always get what’s best for her daughters at masaya siyang ibigay ang mga bagay gaano man ito kamahal dahil para sa kanya worth it ang lahat ng kanyang pagsisikap.


Hindi rin dito natatapos ang “small wins” in life ni Jennica, very thankful siya dahil lumalaking mabuti at responsable ang mga anak, at malaking tulong ito lalo’t single parent siya.


Ang greatest reward para sa kanya, ang makita silang lumaking thoughtful at mapagmahal. Very grateful din si Jennica sa Diyos na binigyan siya ng dalawang anak, kaya pangako niya sa mga ito na silang mag-iina ay bestfriends for life.


Kanino pa ba magmamana ang mga bata? Siyempre kay Nanay Jennica!


Pinatunayan din ni Jennica na hands-on siya sa mga anak habang working naman sa showbiz. Puspusan ang pagtatrabaho ng aktres all because and for her kids. Pero isang araw, na-realize na lang ni Jennica na kung para sa kanyang mga anak ang mga ginagawa, bakit nawawalan siya ng panahon para makasama sila?


Wakeup call sa kanya nang minsang matanong ng anak kung bakit parang hindi na siya umuuwi ng bahay. As expected, naglaan siya ng oras para maka-bond sila at gawin ang mga bagay na nag-e-enjoy silang tatlo gaya ng crafting na namana ng kids niya sa kanya.


Payo ni Jennica sa kapwa niya working moms na mas mahalaga ang memories kaysa sa pera, dahil sabi niya ang pera ay puwede i-earn pero ang memories kapag lumipas na, lumipas na. Hirit niya sa mga mommy, take it “day at a time”.


Wait, there’s more! Kahit full-time mom si Jennica, self-care is a must pa rin sa kanya. Taray, multitasking at its finest!


Para sa aktres ang mga single parents deserve din ang ‘me’ time. Aniya, “You really can’t pour from an empty cup. I learned this the hard way, but I’d like to think that I’m doing much better now.”

Bilang parte ng kanyang self-care journey, alam n’yo bang si Jennica ay nagtapos din sa esthetician school?


Pero, hindi lamang siya ang nag-benefit dito, kuwento niya, “’Yung mga bata talaga, what they see you doing, they’d be so inclined to do as well. Because my child sees me doing, putting on so many skincare, not just on my face but also on my body, she’s very curious and my nine-year-old started putting sunscreen every day.”

Advice niya sa mga katulad niya, “To all single parents, our future can be bright. I hope you know that a failure in a relationship, married or otherwise, can also lead to a bright future.”


Isa si Jennica sa mga single moms na nagpapatunay na hindi kailangan ng superpowers para maging superhero. Hindi rin sa komiks lang at palabas sila matatagpuan, kundi maging sa ating mga tahanan. Life didn’t end when you became a solo parent to your children.

Ngayong National Women’s Month, ipagdiwang natin ang kabutihan at kagandahan ng sarili at kapwa babae. Remember, “empowered women, empower the world!”

 
 

ni Jordan Santoyo (OJT) @Life & Style | Mar. 15, 2025





Sa mundo ng negosyo kung saan madalas lalaki ang nangingibabaw, patuloy na pinatunayan ng mga kababaihan na kaya rin nilang manguna at magtagumpay.Ngayong Women’s Month, kilalanin natin ang ilang mga kababaihan na nagtagumpay sa negosyo at nagbukas rin ng iba’t ibang pinto para sa mga kababaihan.


Mula sa simpleng kusina hanggang sa mga pamilihan sa buong bansa, ganito nagsimula si Corazon D. Ong, founder ng CDO Foodsphere. Nais lamang niya dati na tiyakin na masustansiya at masarap ang pagkain na kakainin ng kanyang pamilya at du’n siya nagsimulang gumawa ng homemade meat products.


Hindi naging madali ang daan patungo sa tagumpay ni Mrs. Ong, lalo na’t isang malaking sunog ang muntik nang tumapos sa kanyang pangarap, subalit kesa na sumuko, ginamit niya ito bilang inspirasyon upang lalo pang palaguin ang kanyang negosyo. Ngayon, ang CDO ay isa na sa pinakamalaking kumpanya ng processed food dito sa ‘Pinas, patunay na ang malasakit sa pamilya ay maaaring maging daan tugon sa tagumpay.


Kung tungkol sa pagkain ang patungkol kay Ms. Ong, ibahin naman natin ang isa pang nagpakitang-gilas din sa lahat. Ang aking tinutukoy ay walang iba kundi si Dr. Victoria “Vicki” Belo, hindi lang tungkol sa kagandahan ang kanyang negosyo, ito rin ay pagpapalakas ng kumpiyansa ng bawat Pilipino. Mula sa isang maliit na clinic sa Makati, itinayo niya ang Belo Medical Group, na ngayon ay isa sa pinakaprestihiyosong beauty at cosmetic surgery centers sa ating bansa.


Nakaka-amaze, hindi ba? Sa isang industriya, kung saan mahalaga ang pagpapahalaga sa sarili, tinulungan niya rin ang maraming Pilipino, lalo na ang mga kababaihan na yakapin ang kanilang kagandahan at magkaroon ng self-esteem. 


Pagdating naman sa larangan ng disenyo at damit, pinatunayan ni Zarah Juan na hindi lang istilo ang mahalaga kundi pati ang kuwento sa likod ng bawat produkto. Mula sa paglipad bilang flight attendant, ginamit niya ang kanyang malikhaing kaisipan upang lumikha ng eco-friendly at cultural-inspired na mga bag. 


Samantala, hindi rin nagpahuli si Arielle Escalona, na sa kanyang 20’s ay napalawak niya agad negosyo ng kanilang pamilya – ang Fruit magic at ipinakilala sa merkado ang Pure Nectar, isang brand ng natural fruit. Sa pagpupursigi ay naitaguyod niya ang isang matagumpay na negosyo sa larangan ng fitness and wellness, at nakilala rin ang Pure Nectar hindi lang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa ibang bansa.


Ang kanilang tagumpay ay isa lamang patunay na walang imposible sa isang babaeng may pangarap. 


Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, determinasyon at tiwala sa sarili, kayang-kaya nating abutin ang ating mga pangarap kahit ano pa ang iyong kasarian. 


Tandaan, babae ka, hindi babae lang. Kaya mula sa pahayagang BULGAR, Happy National Women’s Month! Nawa’y patuloy kayong mangarap at gawin ang iyong mga nais!

 
 

ni Dominic Santos (OJT) @Life & Style | Mar. 14, 2025



Graphic: Si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics


Sa mundo ng prestihiyosong palaro na Olympics, ang paggamit ng lakas at giting ng mga manlalaro sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas ay puhunan ng bawat isa sa kanila. Ito rin ang kadalasang deskripsyon na ginagamit para ilarawan naman ang mga kalalakihan sa buong mundo sa matagal na panahon.


Sa halos 10 dekada o 100 taon mula nang lumahok ang ating bansa sa Olympics, kasabay ng mahabang panahon ng paghihintay upang makamit ang medalya, may nag-iisang indibidwal na nagpakita ng katatagan at kahusayan para tuluyang maiuwi ang karangalan sa larangan ng weightlifting.


Katulad ng ginagawa at pinanggagalingan ng lakas ni Captain Barbell, isang karakter mula sa Filipino komiks na sumikat noong dekada 60, ang weightlifting ay isang sport kung saan nagbubuhat ng barbel ang bawat manlalaro.


Makalipas ang higit anim na dekada, kasabay din ng kasikatan ni Captain Barbell, dahil sa taglay na lakas at determinasyon umugong ang pangalang Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics.


Isang natatanging babae, na sa mundo ng palakasan kung saan madalas na ibinibida ay mga kalalakihan, si Hidilyn ay nagbigay ng karangalan sa bansa at nakilala sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbubuhat ng barbel.


Maihahalintulad din natin si Hidilyn kay Darna na isang superhero dahil sa angkin niyang lakas para maging kampeonato at kapangyarihan na maging tanyag sa iba’t ibang panig ng mundo.


Bagama’t hindi man kagaya ng kuwento ng buhay ni Captain Barbell na isang ulilang basurero, lumaki sa isang payak na pamumuhay mula sa maliit na bayan ng Zamboanga, anak ng magsasaka at tricycle driver si Hidilyn Diaz.


Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na siya ng potensyal sa weightlifting ng kanyang mga pinsan dahil na rin sa brusko niyang pangangatawan kahit na isa siyang babae.


Mula sa mga gawa-gawang barbel lang, na nagpapatunay ng kanyang humble beginnings, sinimulan ni Hidilyn ang pag-eensayo sa weightlifting at nagpapatuloy din sa kasalukuyan.


Taong 2002 nang mag-umpisang sumabak si Hidilyn sa kompetisyon, ang Batang Pinoy sa Puerto Princesa, kung saan una siyang nagwagi sa sport na ito dahil aniya, wala siyang kalaban.


Noong 2007, ang naging unang paglahok naman niya sa Southeast Asian Games at dito nakamit ang kanyang bronze medal. Ito rin ang naging simula ng pagtanggap ni Hidilyn ng maraming parangal mula sa iba’t ibang kompetisyon sa mundo na kanyang sinalihan.


Isang taon matapos ang paglahok niya sa SEA Games, unang sinubukan ng noo’y 17-anyos pa lamang na si Hidilyn sa Olympics. Sa palarong ito una siyang nakaranas ng kabiguan makaraang maging pang-ika-11 manlalaro sa 12 players na lumaban noon.


Sa kabila ng pagkatalo ay hindi nagpatinag si Hidilyn, para sa kanya, palaging may panibagong araw upang muling bumangon at ipagpatuloy ang nasimulan. Hindi rin naging madali ang lahat para kay Hidilyn mula sa mga pinagdaanan niya tungo sa pagkamit ng gintong medalya.


Sa mga panahong iyon, matinding hamon ang kinaharap ni Hidilyn dala ng kontrobersiya tungkol sa hindi sapat na pondo para sa paghahanda sa Olympics.

Gayunman, pinatunayan pa rin niya na hindi imposibleng mangarap at magtagumpay sa taong patuloy na nagsisikap.


Maituturing na isang simbolo na ang tunay na lakas ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na kaanyuan at katangian kundi nasa pagpupursigi na makamit ang mga pangarap sa kabila ng mga hirap. Kaya naman noon pa man isa nang inspirasyon si Hidilyn sa mga kababaihang nangangarap sa buhay.


Tunay na hindi mababase sa kasarian ang lakas at kahinaan ng isang tao dahil kahit sa mundong tila dinodomina ng mga kalalakihan ay may mga kababaihan na kayang makipagsabayan at may kakayanang taglay, katulad ni Hidilyn na nagbigay ng karangalan hindi lang para sa sarili kundi pati sa ating bayan.


Ngayong National Women’s Month, nawa’y maging instrumento si Hidilyn sa mga kababaihan para magpursigi at ipakita ang kanilang likas na lakas at determinasyon upang magtagumpay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page