Malaking pahirap ang migraine sa marami sa atin, partikular sa mga empleyado na sagad ang oras sa pagtatrabaho, tambak ang mga gawain at dapat asikasuhin.
Ang migraine ay tulad ng mga “unwanted guest” na walang pasabi kung kailan darating at hindi mo rin alam kung kailan mawawala.
Marami ang umaasa sa mga pills o gamot para mawala ang sobrang sakit at hirap ng sitwasyon na dulot nito, pero tulad ng halos lahat ng panggamot, ang epekto ng mga ito ay panandalian lamang at kalauna’y babalik na naman.
Kaya naman, upang maiwasan ang mga pansamantalang remedyo, may mahalagang bagay na dapat tayong gawin — baguhin ang diet o pagkain.
Kung may mga pagkaing nakati-trigger ng migraine, ang ilan naman ay nakatutulong na labanan ito, tulad ng mga sumusunod:
1. AVOCADO. Bukod sa epektib na pampaganda ng kutis at pampabawas ng timbang, ang avocado rin ay nakatutulong upang labanan ang migraine. Ang prutas na ito ay mayaman sa antioxidants tulad lutein at zeaxanthin mga sangkap na mabisang pantanggal ng migraines.
2. Yogurt. Ayon sa pag-aaral, ang riboflavin na isang uri ng Vitamin B, ang isa sa mga pinakaepektibong panlaban sa migraine at ang yogurt ay nagtataglay ng bitaminang ito. Ang araw-araw na pagkonsumo ng yogurt ay nakapagpapababa ng tsansa ng pag-atake ng migraine.
3. Sweet potatoes. Ang madalas na pagkonsumo ng sweet potatoes ay hindi lang pantanggal ng simpleng sakit ng ulo at iba pang pananakit ng katawan, nakatutulong din itong labanan ang migraine sapagkat sagana ito sa iba’t ibang bitamina tulad ng Vitamins C at B1, at potassium na mabisang pampakalma.
4. Water-based na mga prutas at gulay. Dahil nakatutulong ang pag-inom ng tubig sa pagkakataong umaatake ang migraine, ang pagkonsumo ng mga water-based food tulad ng pakwan, carrots, pipino at celery ay maaari rin nating gawin. Ang dehydration ay isa sa mga nangungunang sanhi ng sakit ng ulo, kaya siguraduhing madalas ang pagkonsumo sa mga ito.
5. Lemon juice. Maraming health benefits ang lemon at isa sa mga ito ay ang panlaban sa migraine sapagkat mayaman ito sa Vitamin C. Kapag madalas nakararanas ng pananakit ng ulo, simple man o matinding pananakit nito, makabubuti kung aaraw-arawin ang pag-inom ng lemon juice.
Kung sa tingin mo ay hiyang o epektibo sa ‘yo ang nakasanayan mong tablet o capsula, wala namang masama kung susubok pa rin tayo ng mga natural remedy. Bukod sa hindi hamak na mas mura ang mga ito dahil “hindi maintenance”, sigurado tayong safe ito sa anumang side-effect tulad ng mga gamot na nabibili sa botika.
Sa panahon ngayon, bawal magkasakit kaya pangalagaan natin ang ating kalusugan. Huwag hintayin na umatake ang sakit lalo na kung kaya o may ideya naman tayo kung paano ito maiiwasan. Gets mo?