Buhay, Pag-ibig at Pamilya
Hello, mga amigo at amiga! Alam n’yo ba na nilagdaan noong Nobyembre 17, 1966 ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Presidential Proclamation No. 115-A kung saan ang buwan ng Marso ay idineklarang Fire Prevention Month?
Noong Enero 23, 1989 naman, nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino ang Proclamation No. 360 bilang Burn Prevention Month.
At dahil napakabilis ng panahon at Marso na naman, nagsimula na ang mga kampanya at paalala ngayong Fire at Burn Prevention Month. Karamihan kasi ng mga insidente ng sunog ay nangyayari sa buwang ito.
Napakahirap masunugan. ‘Ika nga ng karamihan, oks lang manakawan dahil may maiiwan, pero kapag sunog ang dumaan, simot lahat ng pinaghirapan. Totoo naman, ‘di ba? Dahil dito, napapanahon talaga upang pag-usapan ngayon ang ilang iwas-sunog tips.
1. Iwasan ang sobra o overloading na koneksiyon at ugaliing tanggalin ang mga nakasaksak na appliances kung hindi na ito ginagamit, lalo na kung aalis ng bahay.
2. Kung gumagamit ng liquefied petroleum gas (LPG), palaging isara ang regulator kapag hindi na ginagamit at kung mainit at sira ang regulator, gamitan ito ng basang basahan.
3. Ilayo sa mga bata ang posporo, kandila o lighter at ipatupad ang “no smoking” na patakaran sa loob at labas ng bahay.
4. Kapag umabot sa puntong nasusunog ang parte ng katawan, gawin ang “stop, drop and roll” o dumapa sa sahig, takpan ang mukha at gumulung-gulong hanggang sa mawala ang apoy.
5. Pinakaimportante sa lahat ay tumawag sa 911 o sa mga lokal na sangay ng pamatay-sunog at ibigay agad ang iyong lokasyon sa emergency operator.
Ang sunog ay mapanganib at nakamamatay, subalit, ang mga ganitong pag-iingat ay nakatutulong para makaiwas sa mga sakuna o aksidente. Palagi nating tandaan na presence of mind sa lahat ng sitwasyon ang magpapakita kung ikaw ay isang biktima o survivor.
Para sa anumang isyu, opinyon o problema na gus-tong i-share, mag-send sa e-mail na buhay.bulgar@ gmail.com o sumulat sa Buhay, Pag-ibig at Pamilya at ipadala sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City