ni Jenny Rose Albason @Life & Style | Nov. 3, 2024
Bakit nga ba mas pinipili natin ang panonood ng TikTok, Netflix, o pag-stalk sa social media kesa simulan agad ang assignment o project? Ilang estudyante ang napapaisip sa katanungan ito.
Sa dami ng gawain at distractions, madalas tayong nauubusan ng oras at napapasabi ng, “Hays, mamaya na nga lang ito!” Pero, bawal ‘yan, Iskulmate!
Kaya, para sa mga estudyanteng nauubusan ng oras at laging naka-rush mode, narito ang ilang tips para maiwasan ang procrastination—dahil sa totoo lang, walang forever sa pagde-delay!
1. SIMULAN AGAD KAHIT SIMPLENG PART LANG. Isang paragraph lang muna sa essay o kahit isang problem lang sa Math. Ang mahalaga ay may masimulan! ‘Pag naramdaman mong kaya mo, tuluy-tuloy na 'yan. ‘Ika nga nila, “The first step is the hardest,” kaya kung kaya mong simulan, aba siyempre keri mo rin iyang tapusin.
2. GUMAWA NG TO-DO LIST. Isipin mo na lang na ang bawat task ay parang mission sa isang adventure game. Maglagay ng maliit na “quests” sa listahan—“Research 3 Sources,” “Write 1 Paragraph,” “Review for 10 Minutes”—at i-check ang bawat natatapos. Nakakatulong ito kasi imbes na isang malaking gawain, inuutay-utay mo na ito sa maliliit na steps, at bawat tapos ay parang mini victory. Oh ‘di ba?
3. GUMAMIT NG POMODORO TECHNIQUE. Ang Pomodoro Technique ay simple lang, magpokus focus ka nang 25 minutes sa task, 5-minute break, then repeat!
Hindi mo kailangang i-pressure ang sarili mo, basta may pahinga, mas tumataas ang chance na matapos ang trabaho nang hindi ka nai-stress. Oki?
4. ALISIN ANG DISTRACTIONS. Kung mahilig kang mag-scroll sa TikTok o Facebook, mas makabubuti kung itatago mo muna ang phone mo, o i-off muna ang notification para wa’ sagabal.
Sa loob ng isang oras, mag-concentrate lang sa pag-aaral. Maraming app para dito tulad ng Forest na tinutulungan kang i-manage ang screen time. Para mas productive, piliin ang lugar na tahimik o mas konti ang distraction.
5. IWASAN ANG PERFECT MINDSET. Minsan ang dahilan ng procrastination ay dahil sa takot na hindi maging perfect ang gawa natin. Pero tandaan, mas importante ang progress.
Simulan mo lang at gawin mo ang iyong best, kahit hindi perfect agad. Puwede mo namang i-edit o pagandahin kapag natapos mo na ang draft.
6. BIGYAN NG REWARD ANG SARILI. Huwag kalimutang bigyan ng reward ang sarili sa tuwing may natatapos kang task. Kahit simpleng treat, tulad ng coffee o ilang minutes na TikTok break, malaking bagay na rin iyon para mas ma-motivate ka.
Kaya naman Iskulmate, natanong mo na ba sa sarili mo kung gaano kasarap ang feeling kapag tapos mo na lahat ng kailangan gawin? ‘Yun bang walang inaalalang deadline, walang guilt dahil hindi ka nag-cram, at may oras kang gawin ang mga bagay na gustung-gusto mo? Ayan ang reward ng hindi pagpo-procrastinate—isang tahimik na isip at masayang puso.
Kaya, sige lang, simulan mo nang tanggalin ang “mamaya na” at yakapin ang “ngayon na.” Sa bawat natapos na gawain, future you will thank you—mas relax, mas confident, at higit sa lahat, mas accomplished. Oki??
Oh, nag-enjoy ba kayo Iskulmates? Ang Iskul Scoop ay ang pinakabagong column namin dito sa Bulgar na naghahatid ng mga balita at kuwento tungkol sa mga kaganapan sa iba't ibang paaralan. Layunin nitong magbahagi ng mga makabuluhang impormasyon at tips na makakatulong sa mga estudyante sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa eskuwelahan.
So, kung gusto n'yong maging bahagi rin ng Iskul Scoop at meron kayong mga kuwento, inspiring stories o events na gusto n'yong i-share sa mga ganap sa inyong campus, mag-email lang sa iskulscoop@gmail.com para mailathala sa aming pahayagan.
So, kung gusto n'yong maging bahagi rin ng Iskul Scoop at meron kayong mga kuwento, inspiring stories o events na gusto n'yong i-share sa mga ganap sa inyong campus, mag-email lang sa iskulscoop@gmail.com para mailathala sa aming pahayagan.