ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 21, 2023
“Saan ka ba kasi nagpunta kagabi?” Tanong ni Mark.
Maang namang napatingin si Maritoni sabay kunot ng kanyang noo. “Hindi naman ako umalis kagabi.”
“Wala kang matandaan?” Nanunubok nitong tanong.
“Nalasing ako kagabi, may iba pa ba ‘kong dapat matandaan?” Naiinis niyang tanong, bakit parang siya pa ‘tong kriminal na iniimbestigahan?
“May ginawa ba akong kalokohan?” Pagtatanong pa nito.
“Hindi ka dapat umiinom ng alak, lalo na kung hindi mo naman kaya. Mabuti na lang at sinundan kita kagabi.”
“Ano’ng ginawa ko?” Kabado niyang tanong.
“Nagpunta ka sa bakanteng lote, lumuhod ka sa lupa at naghukay na para bang may hinahanap. Para kang may ibinaon sa ilalim ng lupa na kailangan mong makita.”
Umiling siya nang umiling. Kahit kasi ano’ng isip ang kanyang gawin, wala pa rin siyang matandaan. Kaya, gusto niyang isipin na nagsisinungaling lang ang kanyang kaharap.
Kung totoo ang sinasabi nito, dapat sana ay may putik pa sa kanyang katawan at damit.
Ngunit, kapirasong dumi lang ang nakita niya sa kanyang mukha.
“Nilinisan na kasi kita,” wika ni Mark na para bang nabasa ang laman ng kanyang isipan.
Parang gusto niyang isipin na magaling na artista ang kanyang kaharap.
“Wala akong matandaan.”
“Kain na tayo, nakapagluto na ako.”
Bigla tuloy naglaho sa kanyang isipan ang tungkol sa sinabi ni Mark dahil biglang kumalam ang kanyang sikmura.
“Nag-abala ka pa.”
“Nag-request ka kasi.”
“Ano’ng ni-request ko?” Maang niyang sabi.
Sa bawat sandali, ang daming tanong na pumapasok sa kanyang isipan, kaya sabi niya sa kanyang sarili ‘di na dapat maulit ang kanyang pag-iinom.
“Tinolang manok.”
Nang marinig ito ni Maritoni, biglang bumaligtad ang kanyang sikmura. Pagkaraan ay tumakbo siya papuntang lababo at sumuka nang sumuka. Paano ba naman kasi ang ulam na sinabi ni Mark ay ang pinakaayaw niya.
Itutuloy…