top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 2, 2023

ni Ryan Sison - @Publisher's Note | December 2, 2023





Malugod na pagbati sa ating lahat!


Isang taon na muli ang lumipas mula nang unti-unti tayong makabangon sa hagupit ng COVID-19 pandemic.


Napakarami nating pinagdaanang pagsubok at patuloy pang hinaharap tulad ng tila araw-araw na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo na ang kasunod ay dagdag na mga bayarin sa kuryente, tubig, transportasyon at edukasyon gayundin ang krisis-pangkalusugan, kabilang na ang lumalalang problema sa mental health ng marami nating mga kababayan at kabataan.


Idagdag pa rito ang paglaganap ng iba’t ibang uri ng krimen sa maraming dako ng bansa na ikinababahala na ng marami sa atin.


Isama rin dito ang ilang report ng mga nagkalat na scammers na namamayagpag pa online.


Ilan lamang ito sa mga problemang madalas na naiuulat sa radyo, telebisyon, social media at pati na sa mga pahayagan. Sa tulong ng mass media, madaling naipaparating sa publiko, higit lalo sa pamahalaan, ang mga suliraning nagpapahirap sa ating mga kababayan.


Subalit, kung marami man sa atin ang halos padapain ng pandemya dahil lubhang naapektuhan ang pamilya, hanapbuhay, negosyo at ekonomiya, pinipilit nating maging matatag para makaahon sa pagkakalugmok na ito.


Marami mang negatibong nangyayari sa ating bansa, isaisip nating marapat lamang na tayo ay magpalakas at magpatibay dahil kailangan nating sumabay sa agos para mabuhay.


Hindi madaling humarap sa mga hamong ito subalit kapag sama-sama ay makukuha nating tumayo at magpatuloy.


Kaya naman kaisa ninyo ang BULGAR na hindi susuko sa mga laban na ito.


Bilang kolumnista at publisher ng ating pahayagan, naniniwala tayo na anuman ang ating katayuan sa buhay, sa biyaya at habag ng Poong Maykapal ay unti-unti nating magagawang magpakatatag at muling humakbang tungo sa pag-unlad.


Kaya sa pagdiriwang ng ika-32 taong anibersaryo ng BULGAR, labis-labis ang aming pasasalamat sa walang sawa ninyong pagsuporta sa aming pahayagan.


Bilang bahagi ng selebrasyon ng aming ika-32 taong anibersaryo, ihahatid namin sa inyo ang dalawang kuwento ng natatanging indibidwal na hinamon ng pagsubok subalit lumaban, pinatunayang sila ay maaasahan at ipinakita ang kanilang katatagan.


Una, ang guro na si Rosalina Nava mula sa Macario B. Asistio Sr. High School-Unit 1, na bukod sa pagtuturo ng Alternative Learning System (ALS) ay nakukuha pang magturo sa mga preso sa Caloocan City Jail.


At pangalawa, ang primary child rights advocate na si Atty. Eric Mallonga, na maliban sa pagiging abogado at founder ng paaralang Infant Jesus Academy ay nagtayo ng bahay-ampunan sa Marikina City — ang Meritxell Children’s World Foundation.


Malaking oportunidad din para sa atin ang mabigyan ng pagkakataon na magsagawa ng outreach program noong Nobyembre 24, 2023 sa Meritxell Children’s World Foundation, kung saan nagdaos ng medical mission, katuwang ang Public Attorney’s Office (PAO) at volunteers na mga pediatrician para bisitahin at ma-checkup ang mga batang inaaruga nila.


Gayundin, binisita natin ang mga estudyante ng ALS sa Macario B. Asistio Sr. High School habang sila ay nagkaklase.


Mahal naming mga ka-BULGAR, naging simple man ang naturang mga programa, pero nagdulot ito ng makabuluhang kasiyahan sa mga bata sa panahon na maaaring sila ay nanghihina dahil sa pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay.


Lubos ang aming pasasalamat sa inyo, dear readers ng BULGAR at maging sa mga viewers natin sa online, dahil KAYO ang tunay na nagpapatatag at nagbibigay ng inspirasyon para kami ay manatili sa larangang ito.


Asahan ninyong ipagpapatuloy ng BULGAR na maging BOSES NG MASA AT MATA NG BAYAN — kasabay ng pangakong bago at napapanahong mga balita, updated at makatotohanang showbiz at sports report ang ihahatid namin sa inyo.


Mas lalo rin naming pagbubutihin ang aming mga online shows — #Celebrity BTS, Tagapag-BULGAR, Date kay Maestro, BULGAR Sports Beat at ang Chika pa More! with Tres Marites. At sa papasok na taong 2024, asahan ninyong mas marami pa kaming bagong pasabog na ihahatid sa ating mga mahal na followers ng BULGAR.


Muli, maligayang ika-32 taong anibersaryo sa BULGAR at mabuhay tayong lahat!


 
 
  • BULGAR
  • Nov 25, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 25, 2023




“Kung mayroong Dissociative identity disorder (DID) si Tonette, Sister Maritoni o kung anuman ang kanyang pangalan, hindi kaya may kinalaman siya sa patayang nagaganap?


Tanong ni Mark sa kanyang sarili.


Ipinilig niya ang kanyang ulo, ayaw niyang isipin na may kinalaman ito sa pagkamatay ng kanyang tunay na ina. Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan dahil ang ina na kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Sister Luna.


Kapwa nila alam ‘yun, pero minabuti na lamang nilang itago para hindi maging kahiya-hiya sa panig ng kanyang ina. Wala na rin naman siyang magagawa para baguhin ang kanyang nakagisnang buhay. Naging masaya rin naman siya sa piling ng kanyang kinilalang mga magulang bago umalis ang mga ito patungong Japan para sana magbakasyon. ‘Yun nga lang ay hindi na ito nakabalik dahil ang sinasakyang eroplano nito ay nag-crash. Kaya, sinunod na lamang niya ang kagustuhan ng mga ito na makipag-ayos sa kanyang ina.


Nakalulungkot lang na kakaayos palang nila ay nawala na agad ito. Kahit na lumaki siyang may kinikimkim na sama ng loob sa tunay niyang ina, hindi rason ‘yun para pigilan niya ang kanyang sarili na maghanap ng katarungan para rito.


“Si Tonette ba? No!” Mariin niyang sabi sa kanyang sarili.


Kahit na mayroon itong DID, sigurado siyang wala itong kakayahang pumatay. Nakilala rin naman niya si Chelsea at hindi naman ito masama. Para ngang naghahanap lang ito ng atensyon. Kaya nga lang, baka mayroon pa itong ibang katauhan na ‘di niya pa nakikita.


“Bakit ba ganyan ka kung makatingin sa akin?” Naaasiwang tanong sa kanya ni Tonette.


“Ang ganda mo kasi eh,” hindi niya napigilang sabihin.


Bigla namang namula ang mukha nito kaya hindi niya rin napigilang matawa. “Huwag mo nga akong bolahin.”


“Hindi naman kita binobola.”


Tinitigan niya ito dahil nais niyang makita nito kung gaano siya kaseryoso sa kanyang sinabi.


Pagkaraan, hindi niya na napigilan ang kanyang sarili, hinalikan niya ito para ipadama kay Tonette ang kanyang damdamin.


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Nov 23, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 23, 2023



Gusto sanang isipin ni Mark na pinagtitripan lamang siya ni Tonette (Maritoni), pero alam niyang malaki ang pagkakaiba ng taong madalas niyang makausap kaysa sa taong nakikita niyang maganang kumakain ng tinola. Sa palagay niya tuloy ay mayroon itong split personality.


Ang split personality ay mas kilala sa tawag na Dissociative identity disorder (DID), na ang ibig sabihin ay may iba’t ibang katauhan. Maaaring hindi lamang isa o dalawa kundi anim na personalidad ang mayroon ito. Ganu’n nga ba si Tonette?


“Hi Chelsea, kumusta ka na?” Masuyong tanong niya rito.


“Ito, gutom na gutom.”


Hindi na siya kumibo, pinagmasdan at pinag-aralan niya na lang ang kilos nito.


“Kaya nga nagtataka ako sa’yo kanina, eh.”


“Hindi kasi ako ‘yun.” Pagkaraan ay tumigil ito at pinakatitigan siya.


“Hindi ka ba natatakot?” Tanong pa nito kay Mark.


“Saan naman ako matatakot?”


“Sa akin? Sa amin ni Tonette. Wala kasi talagang may alam na may ganito siyang sakit.”


“Bakit?”


“Siyempre, nakakahiya na ipaalam sa lahat na mayroon kaming iba’t ibang katauhan. ‘Di ‘ko lang alam kung bakit mas may tiwala kami sa’yo kaysa ru’n sa guy best friend ni Tonette. Ah, siguro dahil mas pogi ka.”


Sa puntong iyon ay hindi niya napigilang mapahalakhak. Ramdam niya na kasi noong una pa na may gusto sa kanya si Tonette. Bigla kasi itong natutulala pag sila’y magkausap. Pero siyempre, ayaw naman niyang pansinin iyon dahil ayaw din niyang mapahiya at iwasan siya nito.


Sa katunayan, crush din niya ito. Simple lang kasi ang kagandahan ni Tonette.


“Dahil sa iyo, hindi niya magawa ang kanyang misyon na subaybayan at alamin kung ikaw nga ba ang serial killer” wika ni Chelsea sabay tutop sa kanyang bibig.


Samantala, si Mark naman ay napakunot ng noo at sabay sabing, “hindi ba, isa siyang manunulat?”


Tutop pa rin nito habang umiling nang umiling. Ngunit, desidido si Mark na malaman ang katotohanan.


“Ipagluluto ulit kita ng tinola.”


“Nag-undercover si Maritoni o mas kilala mo bilang Tonette. Nagpanggap siyang madre pero lumabas siya ng kumbento para mapalapit sa iyo. Ang pag-ibig nga naman.”


Sa puntong iyon, naningkit ang mga mata ni Mark. Sa lahat kasi ng ayaw ay iyong manloloko, “humanda sa akin ‘yang Tonette na ‘yan.”


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page