top of page
Search

ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | january 15, 2024



Gaano n’yo katagal kayang pagsusuntukin ang isang punching bag? Kung pangkaraniwang tao ang aking tatanungin, malamang kaya lang nila itong gawin ng 10-20 minuto. Ngunit maniniwala ba kayong may lalaking umabot ng 55 hours na sumusuntok sa punching bag? Yes, mga ka-Bulgar. Tama kayo ng nababasa, at siya ay walang iba kundi si Sidhu Kshetri, 42-anyos.


Siya ay isang lifelong martial artist na kumatawan sa India. At siya ay pinarangalan ng Guinness World Record bilang isang longest marathon punching a punch-bag.


Ayon sa kanya, “I have been practicing martial arts for the last 25 years, and I am interested in contributing to my country, so I decided to attempt this world record.”


Ang kanyang pagpapakita ng galing at talento ay isang nakakapagod na pagsubok. Ang bawat challenger ay nangangailangan na maghagis ng suntok isang beses bawat segundo, at pagkatapos ng bawat hampas sa punching bag, ang braso ay dapat bumalik sa orihinal nitong posisyon.


Tulad ng marathon, pagkatapos ng bawat tuluy-tuloy na oras ng aktibidad, ang challenger ay pinahihintulutan ng limang minutong pahinga. Sa pahingang ito lamang makakakain, makakatulog, at makakagamit ng banyo si Kshetri.


“The pain started around the 20-hour mark. At that point, I reminded myself that it was a test of my limits. I believed that if I stayed emotionally strong, I could endure the pain.


The toughest phase was the second night, approximately 30 hours in, as it was a continuous period without sleep. Enduring that was tough, but the encouragement and support from my friends and family kept me going, allowing me to push my limits.


Although I hadn't thought of stopping, I kept telling myself: ‘Just one more hour.”


Pagbabahagi pa nito.


Hindi naging madali para kay Kshetri ang lahat, anim na buwan din siyang nagsanay at naghanda para rito, at gumugugol siya ng 8 hours per day para mag-ensayo.  Kasama sa kanyang pang-araw-araw na gawain ang apat na oras na sesyon ng pagsasanay, mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-8 ng umaga, at muli siyang magsasanay pagsapit ng gabi.


Batay pa sa kanya, ang mas nakaka-challenge ay ang mental preparation. Kailangan umano niyang maging mentally and physically strong para rito.


Samantala noong 2013, nakamit din ni Kshetri ang isa pa niyang kampeonato sa pinakamaraming martial arts kicks sa loob ng tatlong minuto gamit lamang ang kanyang isang paa na may somatotal na 620 kicks. At noong taong 2011, nagsagawa rin siya ng pinakamaraming martial arts kicks sa isang minuto gamit lamang ang isang solong binti na umabot sa bilang na168.


Ngunit sa kasamaang palad, ang mga mga rekord na aking nabanggit ay na-beat ni Ahmad Amin Bodla, mula sa Pakistan. Pero, hindi pa rin umano magpapatalo si Kshetri dahil balak niya pa rin itong bawiin at naniniwala siyang kaya niyang talunin si Bodla.


Grabeng determinasyon ang ipinakita ni Kshetri, hindi ba mga ka-Bulgar? Kaya para sa ating mga inspiring martial artist d’yan na nagbabalak na sumubok, why not? Kung kinaya ng kampeonato si Kshetri, kakayanin din natin ito! Kailangan lang natin magkaroon ng tiwala sa ating sarili at mag-ensayo. Kaya ‘wag panghinaan ng loob.


Oki?


At para naman kay Mr. Kshetri, we salute you, and keep up the good work!

 

 

 
 

ni Mabel G. Vieron @Special Article | December 2, 2023


Guro o titser. Sanay tayo at nakamulatan na nating makita sila sa loob ng klasrum ng paaralan o kaya ay bilang private tutor.


Pero ang makita silang nasa loob ng city jail at nagtuturo sa mga preso, na-imagine n'yo ba ang kanilang "BUHAY SA LOOB"?


Ang kuwento ng buhay ng guro mula sa Macario B. Asistio Sr. High School – Unit 1 na si Mrs. Rosalina Nava, 56-anyos, ang napili naming ibahagi sa inyo dahil 'di lang ito nagbibigay ng inspirasyon sa lahat kundi nagpapakita rin ng ibang aspeto ng buhay na hindi natin nakasanayan.


Para sa gurong si Mrs. Rosalina Nava, ito ang tungkulin na labis niyang kinasisiyahan. Sa loob ng 31 years niyang pagtuturo, naging parte na ng buhay niya ang kanyang mga estudyante.


“Grade 1 pa lang ako, gustung-gusto ko nang maging teacher. Number 1 choice ko talaga ang pagiging guro,” simula niya.


Kahit na mas gusto ng kanyang ina para sa kanya ang Nursing, ‘di ‘yun naging hadlang para abutin ang kanyang pangarap na maging guro.


At ang pagtuturo para sa kanya ay hindi lang para sa kabataang nagsisimula pa lang hubugin para matuto, dahil ang kadalasang mga hawak niyang estudyante ay ‘yung mga maagang nagsipag-asawa pero gustong tumuloy sa pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.


“Puro kabataan pa, ‘yung mga pasaway sa regular school. Siyempre, 8 ang teacher, ‘pag nakaayawan nila ‘yung isa, hihinto na ‘yan mag-aral, tapos sa susunod na taon, ganu’n na naman,” paliwanag nito sa isa sa mga pagsubok na kaakibat ng pagtuturo niya sa ALS.


Lingid sa kaalaman ng iba, ang ALS ay mayroong dalawang klase — ang face-to-face at modular.


“Mas naging challenging sa akin ang pagtuturo rito, dahil du’n sa regular siyempre, natututukan mo sila, hindi katulad dito, para na kasi silang nawalan ng pag-asa.”


Hindi naging madali kay Ma’am Nava ang pagtuturo ng ALS, at kuwento pa nga niya, dati ay may naging estudyante siyang 56 at 64 years old na kumbaga, naghahanap lang umano ng satisfaction sa kanilang sarili.


“Mayroon akong naging estudyante, tatlo na noon ang anak niya, hindi siya nakapagtapos ng hayskul at nangibang-bansa na. Nu’ng nakapagtapos na ang kanyang mga anak, at may sari-sarili na ring pamilya, siya naman ‘yung nag-aral. Kaya silang mag-iina ang naging estudyante ko,” kuwento ni Ma’am Nava habang kitang-kita sa mukha ang kagalakan.


Mas pinili diumano niya ang ALS dahil dito siya mas na-challenge, at natuturuan niya pa ang mga kabataang nawalan na ng pag-asang makapagtapos.


At kung hindi naging madali kay Ma’am Nava ang pagtuturo ng ALS, ganu'n din ang kanyang naramdaman nang ma-assign siya sa Caloocan City Jail.


“Noong una, ayoko pang tanggapin ‘yun, kasi ayaw din ng mga anak ko, natatakot sila para sa akin. Kahit kasi hindi ka pa nakakapasok sa jail, matatakot ka talaga lalo na sa mga pelikulang napapanood natin. Akala mo maho-hostage ka ru’n, pero hindi kasi ‘yun ganu’n.


Unang-una, under process pa ‘yung kaso nila, kumbaga nagpapakabait pa sila r’yan,” dagdag-kuwento ni Ma’am Nava.


Ang una niyang naramdaman nu’ng mga panahong ‘yun ay takot, pero nu’ng mag-retire diumano ang isa niyang kasamahang guro sa city jail, siya na ang kinuha bilang kapalit nito.


Sa katunayan, nagdalawang-isip diumano si Ma'am Nava noon dahil tutol din ang kanyang mga anak at nag-aalala rin para sa kanyang kaligtasan. Halos 2,000 inmates umano ang nandu’n, at 800 sa mga ‘yun ay ‘di na nakapag-aral.


Kuwento nga niya, noong pandemic, nagkagulo sa loob ng kulungan at may binawian ng buhay.


Muntik na niyang iwanan noon ang pagtuturo roon pero aniya sa sarili, “Bahala na, bahala na ang Diyos.”


Sa dami diumano nilang ALS teacher, wala ni isang pumayag na magturo sa jail. At kung aayaw pa umano siya, paano na lang ang mga presong nangangailangan din ng edukasyon?


Kaya kung mayroon diumanong pasasalamatan si Ma’am Nava, ‘yun ay walang iba kundi ang kanyang kaibigan na naglakad ng kanyang papeles para maging ganap siyang ALS teacher.


Ang mahalagang aral na kanyang natutunan sa kanyang pagtuturo ay kailangang devoted ka sa iyong ginagawa. Kinakailangan niyang pagbutihin ang pagiging guro lalo na sa kanyang mga ALS students dahil dito niya nakita na halos lahat ng problema ay nasa kanila na.


Sa tuwing napapayuhan niya ang kanyang mga estudyante, mas nabu-boost ang kanilang moral upang ipagpatuloy ang kanilang buhay kahit na sila ay nagkamali.


“May chance pa sila. Ang ALS kasi ay second chance,” pang-eengganyo pa ni Ma’am Nava sa mga gusto ring ipagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng mga kabiguan sa buhay.


Ang payo naman na maibibigay niya para sa mga kabataan ay ipagpatuloy lamang ang pagsisikap, kahit ano pang kamalian at problema ang ating kaharapin, patuloy pa rin tayong maging matatag, lumaban at harapin ang bukas.


Tunay ngang ‘pag mahal mo ang iyong trabaho, walang makapipigil sa iyo para mapagtagumpayan ito.


Maraming salamat sa dedikasyong ipinapakita mo, Ma’am Rosalina Nava, isa kang malaking inspirasyon kaya mula sa pahayagang BULGAR, saludo po kami sa inyo!!!


 
 

ni Mabel G. Vieron @Special Article | December 2, 2023


Atorni, abogado, tagapagtanggol.


Sila ang tinatakbuhan natin kapag tayo ay may problemang legal. Sila ang nagtatanggol sa mga naaapi at nangangailangan ng hustisya. Sila ang tagapag-ayos ng mga kasong hindi kayang solusyunan sa simpleng usapan lang.


Pero nakarinig na ba kayo ng abogado na, pilantropo pa?


Ang aking tinutukoy ay walang iba kundi si Atty. Eric Mallonga, isang child rights advocate at nagmamay-ari ng isang bahay-ampunan.


Dahil sa tulong ng kanyang mga kaibigan, naipatayo ni Atty. Eric ang orphanage na mas kilala bilang “Meritxell Children's World Foundation” na 16 years nang tumutulong sa mga kabataang inabandona at inabuso.


Tiyak na marami sa inyo ang mapapaisip kung bakit nga ba ito ang kanyang ipinangalan dito.


Ayon kay Atty. Eric, hinango umano ito sa Patron Saint of Andorra. Ang istorya ng patron kung saan umusbong ang isang ligaw na rosas at du’n nila nakita ang statue ng isang birhen.


Lakas-loob na sumugal si Atty. Eric sa pagtatayo ng bahay-ampunan. Aniya, malaki rin ang naitulong ng pagkakaroon nila ng eskuwelahan.


“Nakapagpatayo ng paaralan ‘yung nanay ko, at ito 'yung Infant Jesus Academy. Lahat ng batang nakukuha at nare-rescue namin na mga inabandona, pinabayaan, inabuso at mga nawalan ng mga magulang, 'yun ang mga batang tinutulungan at pinapaaral namin dito.”


Ang naging inspirasyon niya upang gawin ito ay walang iba kundi ang kanyang ina. Bata pa lang diumano si Atty. Eric, na-expose na ito sa pag-aalaga ng mga bata.


“Ako ‘yung laging inaatasan ng aking ina na tulungan 'yung mga bata. Ang nanay ko ang nagturo sa akin ng tamang values, at tamang kaugalian na tumulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga batang nag-aaral du'n sa paaralan namin,” pagbabahagi pa ni Atty. Eric.


Bukod sa kanyang ina, malaki rin ang pasasalamat ni Atty. Eric sa kanyang mga kaibigan, dahil ‘di lang moral support ang ginawa ng mga ito kundi nagbigay din ito ng financial support.


“Siyempre, dahil ina-advocate ko ang karapatang pambata, naisip ko na maganda 'yung programa o proyekto, 'di lang feeding program kundi pagbibigay ng tahanan, kung saan may mga caregiver na magmamahal sa mga bata at long-term ang pangangalaga rito,” dagdag-kuwento ni Atty. Eric.


Bawat bata diumano sa bahay-ampunan ay may sari-sariling kuwento. Pero ang kuwentong pinaka-memorable para kay Atty. Eric ay ang batang ibinigay sa kanila nu’ng sila’y nasa Boracay at ‘yung sanggol na ‘yun ay na-rescue sa talahiban na may nakapaligid na mga aso.


Grabe, hindi ba? Imagine, ‘yung sanggol na kanilang natagpuan ay mayroon pang umbilical cord na nakakabit sa kanyang pusod.


Habang pinapakinggan namin ang kuwento ni Atty. Eric, halu-halong emosyon ang aming naramdaman.


‘Di niya lubos-akalain na may mga magulang pala talagang napagbubuntunan ng galit ang kanilang mga anak, at hindi lahat ng magulang, kayang mahalin ang kanilang mga anak.


“Na-realize ko, suwerte ‘yung mga anak ko kasi habang itinatayo ko ito, [ipinaramdam] ko sa kanila ang unconditional love. Kailangang walang limitasyon, at kondisyon ‘yung pagmamahal na ibinibigay mo sa isang tao.


"Kahit ano pang sakit ang ibinigay nila sa iyo, kahit masakit na sa puso, tatanggapin mo ‘yun dahil mahal mo sila, at sa pagmamahal na ‘yun, mapapalitan ‘yun ang kaugalian nu’ng tao.


‘Yun ‘yung nalaman ko, that absolute and unconditional love can transform [a] person.”


Kahit na labis ang kanyang pagmamahal na ipinadarama at ipinapakita sa mga kabataan, dumating din si Atty. Eric sa puntong gusto niya na itong sukuan dahil hindi umano sa lahat ng panahon ay may sarili siyang pera o donasyong magagamit nila para sa mga pangangailangan ng bahay-ampunan.


Kung may tao man sa likod ng tagumpay ni Atty. Eric, ito ay walang iba kundi ang kanyang ina na si Mrs. Consolacion Mallonga. Malaki ang pasasalamat ni Atorni sa kanyang ina, dahil ito ang nagturo sa kanya kung paano mahalin at alagaan ang mga bata.


“Dati siyang madre sa Holy Spirit College sa Mendiola. Umalis siya sa pagka-madre para [makapag-isip-isip] kung tutuloy ba siya. [At] du’n niya na-meet ang tatay ko. Pero, hindi na siya madre nu’ng ako’y ipinanganak, ah,” paglilinaw pa ni Atty. Eric.


Bukod sa pagiging full-time lawyer, mayroon din siyang art gallery. Kinakaya niyang pagsabay-sabayin ito sa tulong ng kanyang 8 kapatid.


Ang pinoproblema na lamang niya ngayon ay ang susunod na hakbang na kanyang gagawin para sa mga bata.


Sa dami ng naitulong nina Atty. Eric sa mga kabataan, hindi umano sila naghahanap o naghihintay ng anumang kapalit.


“'Yung utang na loob na itinanim nila para sa amin, ibalik nila sa ibang tao, tulad ng pagtulong namin sa kanila. Tulungan nila 'yung pamilya nila. Pay it forward kumbaga.


“We make this world the better place to live in and for the children, they can pay it forward once they become adults and once they become professionals.”


Ito ang nais niyang gawin ng mga kabataang kanilang tinulungan. Tila nagsilbing liwanag si Atty. Eric sa mga batang may madilim na nakaraan at masakit na karanasan.


Magsilbi rin sanang inspirasyon ang kuwento ni Atty. Eric Mallonga na kahit hindi natin kadugo ay piliin pa rin nating tumulong sa mga taong nangangailangan.


Maraming salamat sa inyong walang sawang pagpapakita ng malasakit sa mga kabataan, Atty. Eric Mallonga. Nawa’y marami pang bata ang inyong matulungan.


Kaya mula sa BULGAR family, proud po kami sa inyo!!!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page