ni Justine Daguno - @Life and Style | April 26, 2021
Marami sa atin ang skin care is life dahil ‘ika nga, stressed man sa buhay at gipit sa pera, dapat maganda pa rin para maka-awra. Kaya naman, nagsulputan ang iba’t ibang beauty hacks sa internet dahil hindi lahat ay afford ang mga branded na skin care products. Kabilang sa mga sikat na produkto na mura pero epektib na pampabyuti ay ang apple cider vinegar.
Anu-ano nga ba ang mga beauty benefits nito?
1. PANTANGGAL NG ACNE AT PIMPLES. Oks na pantanggal ang apple cider vinegar sa pabalik-balik na acnes at pimples sapagkat ito ay may antibacterial at antifungal substance. Nakatutulong ito para maalis ang bacteria, oils at iba pang dumi sa pores. Para gamitin ay ihalo lamang ito at ang filtered water sa bowl. Gamit ang cotton ay i-apply ito sa apektadong bahagi ng mukha. Ibabad ng 10 minuto bago banlawan ng maligamgam na tubig.
2. PANTANGGAL NG SUNBURN. Ginagamit din ang apple cider vinegar sa sunburns. Ngayong summer, kahit walang getaway ay hindi maiiwasang magkaroon ng sunburn, lalo na kung exposed tayo sa init ng araw nang walang anumang ginagamit na proteksiyon tulad ng sunscreen o lotion. Gamit ang apple cider vinegar ay maaaring mawala ang hapdi na dulot ng sunburn. Ihalo lamang ang kalahating tasa nito sa apat na tasa ng tubig. Ibabad ang malinis na tela sa solution saka ito ipahid sa apektadong balat.
3. PANG-EXFOLIATE. Kung wala masyadong budget para magpa-body scrub, oks ang apple cider vinegar dahil ito ay nagtataglay ng alpha hydroxyl acid na nakaaalis ng dead skin cells at nag-iiwan ng mas maganda at malambot na skin. Maglagay ng isang tasa nito sa bathtub na may maligamgam na tubig. Magbabad dito nang 15 minuto hanggang 20 minuto at hayaang ma-absorb ng balat ang solution saka magbanlaw.
4. PANG-TONER. Dahil may astringent properties ang apple cider vinegar, puwede rin itong gamitin bilang toner na good sa mga may oily skin. Muli, ihalo lamang ang katamtamang dami nito sa maligamgam na tubig, at maglagay ng kaunting essential oil. I-apply ito sa balat gamit ang cotton ball saka ibabad ng ilang minuto bago banlawan. Maaari itong gawin ng isa o dalawang beses, depende sa kaso o sitwasyon ng balat.
5. PANGREMEDYO SA DARK SPOTS AT WRINKLES. Ang apple cider vinegar ay nagtataglay ng alpha hydroxyl acids na nakatutulong para maalis ang dead skin at muling bumalik ang healthy at glowing skin. I-apply lamang ang solution ng apple cider vinegar at tubig gamit ang cotton direkta sa mga dark spots at wrinkles. Ibabad lamang ito sa loob ng 30 minuto saka banlawan gamit ang malamig na tubig. Gawin lamang ang routine dalawang beses sa loob ng anim na linggo para mas makita ang magandang epekto nito.
Totoong hindi madaling magkaroon ng magandang balat, kailangan ng effort para ito ay ma-achieve, kaya sa mga beshy natin d’yan na walang budget para magpa-derma ay pagtiyagaan na lang muna ang mga beauty hacks gamit ang apple cider vinegar. Okie?