ni Justine Daguno - @Life and Style | May 06, 2021
Bagama’t isa ang pagko-commute sa mga bagay na ‘basic’ na bahagi ng pang-araw-araw na gawain ng marami sa atin, naging napakahirap nito dahil sa pandemya na kasalukuyan nating nararanasan. Malaki ang ipinagbago ng paraan ng pagko-commute — nabago ang lahat mula sa ruta hanggang sa sistema. Kaya naman, narito ang ilan sa mga tips para iwas-aberya at ‘easy’ pa rin itong magawa:
1. MAGING PAMILYAR SA LUGAR. Huwag pumunta sa lugar na wala man lang ideya. Limitado ang oras ng biyahe dahil sa pandemya kaya kung bago palang sa lugar na pupuntahan, makabubuti kung magba-background check muna. Alamin sa apps, internet o magtanung-tanong sa mga kakilala ng mga terminals, landmarks at iba pang makatutulong para mas maging pamilyar sa lugar.
2. DAPAT MAY EXTRA MONEY. Travel man o simpleng transaksiyon lang ang dahilan ng pagko-commute, dapat palaging may ekstrang pera. Maraming puwedeng mangyari sa araw-araw na transportasyon tulad ng masisiraan ang sasakyan, cutting-trip at ang masaklap ay maligaw kaya siguraduhing may extra money, bukod pa sa budget na pamasahe.
3. MAGLAAN NG ALLOWANCE SA BIYAHE. Muli, maraming puwedeng mangyari habang nasa biyahe at isa sa mga hindi inaasahan ay ang lagay o daloy ng mga sasakyan. Siguraduhing maglalaan ng allowance sa oras ng appointment o lakad. Puwedeng itantiya kung gaano kalayo ang lugar nang sa gayun ay malalaman kung ilang oras ang ilalaan sa biyahe.
4. SIGURADUHING KOMPORTABLE SA KASUOTAN. Malaking karagdagan sa ‘hassle’ ng pagko-commute kapag hindi komportable ang suot na sapatos o damit. Bago umalis ng bahay, siguraduhing makagagalaw nang maayos sa kasuotan.
5. MAG-OBSERVE SA PALIGID. Isang malaking ‘battle field’ ang kalsada kung saan iba’t ibang problema at personalidad ang maaari nating makasalamuha kaya mahalaga na marunong makiramdam at maging observant sa paligid. Oks lang matulog pero tandaan na ang sasakyan ay hindi kuwarto o personal space, kaya siguraduhin na ikaw pa rin ay alerto.
Mahirap maka-survive kapag kulang sa diskarte. Hindi puwede na palaging walang alam sa mga bagay-bagay dahil kung hindi papalpak ang gawain, malamang ay maisahan naman ng mga mapagsamantala. Kaya bago lumabas, bukod sa may suot na facemask, face shield at may dalang alcohol, ‘wag din kalimutan ang presence of mind. Okie?