top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 2, 2022



Batay sa datos, umabot na umano sa 8,472,637 pasahero ang naserbisyuhan ng Libreng Sakay ng MRT-3 mula Marso 28 hanggang Abril 30 ngayong taon.


Sa kasalukuyang tala ng Department of Transportation (DOTr), sa pagitan ng mga nabanggit na petsa ay tinatayang nasa average na 309,013 mga pasahero ang nakikinabang sa free ride program ng MRT-3 mula Lunes hanggang Biyernes.


Kaugnay nito, sinasabing tumaas ang bilang ng mga mananakay ng MRT-3 nang 27.8% mula sa 241,800 na naitalang weekly average mula noong Marso 1-27, 2022 bago inilunsad ang programang Libreng Sakay ng MRT-3.


Gayundin, naitala naman umano ang pinakamataas na single-day ridership na umabot sa 335,993 pasahero noong Abril 8.


Samantala, matatandaang nag-anunsiyo na ang DOTr noong nakaraang Miyerkules, na pinahaba pa ng gobyerno ang free-ride program ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na tuluy-tuloy pang mapapakinabangan ng mga pasahero hanggang Mayo 30.


 
 

ni Lolet Abania | March 23, 2022


May libreng sakay na ulit sa EDSA carousel bus na magsisimula sa susunod na linggo, ang huling linggo ng Marso.


Sa ulat, ito ay muling isasagawa matapos na matanggap ng Department of Transportation (DOTr) mula sa Department of Budget and Management (DBM) ang P7 bilyong budget para sa service contracting program.


Dahil dito, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang siyang magbabayad para sa operasyon ng EDSA carousel bus at ilang jeepney na bumibiyahe sa partikular na ruta.


Labis naman ang pasasalamat ng mga commuters sa anunsiyong ito ng free rides sa EDSA carousel bus, dahil anila malaking tulong ito lalo na sa mga sumusuweldo lamang ng minimum wage.


 
 

ni Lolet Abania | September 12, 2021



Muling ipapatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay para sa mga medical frontliners, essential workers, at authorized persons outside of residence (APORs) simula sa Lunes, Setyembre 13.


Ayon sa DOTr, palalawakin na ang mga free rides sa mga lugar na nasa labas na rin ng Metro Manila sa ilalim ng second phase ng kanilang Service Contracting Program.


Sa ilalim ng naturang programa, ang mga public utility vehicle operators at drayber ay bibigyan ng suweldo o sahod depende sa kanilang trips kada linggo, kahit ilan pa ang bilang ng kanilang pasahero.


Babayaran sila sa tinatawag na weekly basis, kung saan mula sa P3-billion funding sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) for 2021.


“Ginagawa po natin ang mga ito dahil ang Kagawaran ng Transportasyon ay naniniwala na hindi lamang pang-hanapbuhay ng tsuper at operator -- ito po ay kaakibat sa paghahanap-buhay ng iba pa nating kababayan sa Republika ng Pilipinas,” ani DOTr Secretary Arthur Tugade sa isang statement.


Sa tala ng DOTr nasa 31.6 milyong Pilipino ang nakapag-avail ng libreng sakay sa initial phase, kung saan P1.5 bilyon ang in-award ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa mga operators at mga drayber.


Gayundin, may alokasyon sila na umabot sa P3.388 bilyon bilang payouts sa mga operators at mga drayber na nakiisa sa programa.


Ang Land Bank of the Philippines ang siyang tumutok na nagsilbing payment partner para sa proyekto.


“We welcome this collaboration to deliver financial assistance to PUV operators nationwide towards ensuring pay and uninterrupted operations of public transportation in the new normal,” ani presidente at chief executive officer ng Land Bank na si Cecilia Borromeo.


Nananatili ang National Capital Region sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Setyembre 15, 2021.


Habang ang gobyerno ay patuloy na binubuo ang mga guidelines para sa implementasyon ng bagong alert level system with granular lockdowns sa region bilang bahagi pa rin ng paglaban sa panganib ng COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page