ni Lolet Abania | June 8, 2022
Umapela ang isang grupo ng mga drayber ngayong Miyerkules, na wala pa silang natatanggap na bayad mula sa gobyerno para sa kanilang serbisyo kaugnay sa programang libreng sakay na isinasagawa sa iba’t ibang plataporma ng public transport.
Ayon kay Joji Vizconde Jr., pangulo ng Buklod ng Manggagawa sa ES Transport, ilang transport workers sa ilalim ng kumpanyang ES Consortium, ang tinanggal sa trabaho matapos na magsagawa ng isang protesta noong Pebrero dahil sa pagkaantala ng kanilang bayad. “Hindi pa rin po naibibigay lahat.
May mga utang pa po at ang kapalit po ay tinanggal kami sa trabaho hanggang sa ngayon,” pahayag ni Vizconde sa ANC interview. Una nang sinabi ng mga drayber na hindi pa anila sila binayaran mula sa pagbibigay ng serbisyo sa ipinatutupad na free ride program ng pamahalaan, kung saan nagkakahalaga ito ng P20 million.
Sa ilalim ng PUV (public utility vehicle) service contracting program, 30 porsiyento ng weekly payout ay napupunta sa mga drayber habang 70 porsiyento naman ang nakukuha ng mga operators, kung saan sakop ang arawang operational at maintenance costs nito.
Inamin naman ng ES Consortium nitong Pebrero, ang pagkakaroon ng delay sa disbursement ng mga sahod dahil sa pagbagu-bagong COVID-19 alert level status at iba’t ibang proseso sa loob ng consortium.
Ayon pa kay Vizconde, naghain na rin ang grupo ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa naturang usapin. “Lahat ng ahensiya ng gobyerno ay tinutukan namin pero para pong nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan sa mga hinaing ng mga manggagawang nasa transport sector,” giit pa ni Vizconde.