ni Lolet Abania | January 12, 2021
Tinatayang nasa 25,000 ang isinailalim sa training para mag-administer ng COVID-19 vaccines sa mga Pinoy kasabay ng nalalapit na pagsisimula ng gagawing pagbabakuna sa bansa, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr.
Ayon kay Galvez, pinagsama-sama na rin ng mga local government units (LGUs), partikular ang National Capital Region (NCR), ang listahan ng mga kasali sa vaccination.
“We are training more or less 25,000 vaccinators,” ani Galvez sa isang interview.
“'Yung ating mga LGUs lalo na dito sa NCR nagko-consolidate na sila ng mga master list ng mga magpa-participate sa nationwide vaccination,” dagdag niya.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pinoy kontra COVID-19 ngayong taon.
Sinabi ni Galvez na tinatayang 50,000 Pinoy ang inaasahang mababakunahan laban sa coronavirus nitong Pebrero ng Sinovac vaccines.
Ito ang magsisilbing panimula para sa gagawing pagbabakuna, ayon kay Galvez.
“Magkakaroon tayo ng national rollout. So ito 'yung tinatawag natin na rehearsal para matuto 'yung ating mga vaccinator at para makita natin 'yung assimilations kung paano natin gagawin ang nationwide rollout,” ani Galvez.
Binanggit ni Galvez na ang mga nasabing vaccinators ay nakadalo na rin sa mga isinagawang lectures tungkol sa pagbabakuna at itong ‘rehearsal’ ang magsisilbing ‘practical exercise’ nila.
Dagdag ni Galvez, kapag dumating na sa Pebrero ang 50,000 doses ng Sinovac vaccines sa bansa, marami pang nakatakdang i-deliver nito sa mga susunod na buwan.
“So 'yung pagbibigay ng Sinovac, we will have 50,000 for February, 950,000 for March, 1 million for April, 1 million for May and then 2 million for June and 3 million for July and so on and so forth,” aniya.
“'Yan ang dapat malaman ng mga kababayan natin kapag nag-order tayo ng vaccine. It will be in tranches,” sabi ng kalihim.
Gayunman, ayon kay Galvez, posibleng maunang gamitin ang COVID-19 vaccines na mula sa Pfizer sa ilalim ng COVAX Facility bago ang Sinovac vaccines kasabay ng plano ng gobyerno para agarang pagbabakuna sa bansa.