ni Lolet Abania | March 6, 2021
Nagdesisyon ang malalaking mall operators na hindi muna buksan ang kanilang mga sinehan kahit na pinayagan na ito ng pamahalaan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) gaya ng Metro Manila, araw ng Biyernes, Marso 5. Anila, hihintayin nila ang approval mula sa mga local governments (LGUs) kung saan sila nag-o-operate.
Matatandaang inisyu ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Memorandum Circular No. 21-08, na nagpapahintulot na muling magbukas ang mga sinehan na may 25% venue capacity sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Gayunman, ang pagkain at pag-inom sa loob ng movie houses ay hindi pinapayagan, habang kinakailangang nakasuot ng face mask sa lahat ng oras.
Nagpahayag naman ng pangamba ang mga Metro Manila mayors sa naging desisyon ng COVID-19 task force na payagang muling magbukas ang mga sinehan noong Pebrero 15, sa dahilang mataas ang tiyansa sa mga enclosed spaces ng pagkalat ng virus.
Gayundin, hiniling ng mga alkalde sa Malacañang na iurong ang muling pagbubukas ng mga sinehan sa mga GCQ areas sa Marso.
Kabilang sa mga mall operators na piniling ipagpaliban ang pagbubukas ng kanilang mga sinehan ay ang SM Supermalls na nag-o-operate ng mga SM Cinemas, na susundin nila ang itatakdang seat gaps at capacity.
Ang Ayala Malls, hihintayin ang approval ng kani-kanilang LGUs. Ang Robinsons Malls ay hindi rin nagbukas ngayong Biyernes. Maging ang pamunuan ng Araneta City ay nagsabing hihintayin nila ang guidelines at approval ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.
“We will follow DOH-IATF (Department of Health-Inter-Agency Task Force) guidelines and final LGU approval for cinema operations,” ayon sa mga mall operators. “But we have already put in place a safety protocol inside our cinemas in preparation for our reopening,” dagdag pa nila.