ni Jasmin Joy Evangelista | September 4, 2021
Ikinamangha ng netizens ang Sari-sari store at Bigasan showcase na handog ng LGU ng San Ildefonso, Bulacan sa mga piling mamamayan ng kanilang bayan.
Nitong nakaraang linggo ay sinimulan nang ipakita ni Mayor Carla Galvez-Tan ang proyektong ito kung saan sinimulang buuin ang mga tindahan at bigasan na ipapamigay sa unang batch na mapipiling mapagkalooban.
Noon pa man daw ay marami nang mga programang pangkabuhayan ang lokal na pamahalaan ng nasabing bayan.
Ang sari-sari store at bigasan ay nabuo umano ang konsepto noong masalanta ang bayan ng San Ildefonso ng bagyong Ulysses. Dahil maraming pamilya ang naapektuhan at nawalan ng kabuhayan, naisip umano ni Tan na tulungan ang kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangkabuhayan.
Kaya nang magkaroon ng pagkakataon at makakuha ng dagdag na tulong mula sa tanggapan ng Pangulo at kaibigan mula sa Ozamis City, doon na unti-unting nabigyan ng kulay ang programang ito.
Sa kasalukuyan ay mayroong 50 recipients ang proyekto, na kabilang sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng mga nagdaang sakuna. Bawat isa ay personal na pinuntahan ng mga nag-organisa nito at isinailalim sa orientation tungkol sa pagiging entrepreneur.
Hangad daw ng alkalde na bawat pamilyang Ildefonsonians ay magkaroon ng sapat na pagkakakitaan maging ito man ay regular na hanapbuhay o negosyo; maliit man o malaki nang sa ganu’n ay masiguradong maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isa.