ni Gina Pleñago / MaiAncheta | June 8, 2023
Isang command post ang itinayo para sa mga biktima ng food poisoning sa Lungsod ng Taguig.
Nitong Martes, nagkaroon ng food poisoning sa lungsod kaya napagpasyahang magtayo ng command post ang Incident Management Team at City Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng City Health Office ng Taguig para aksyunan ang mga nangangailangan ng atensyong medikal kaugnay sa food poisoning sa Bgy. Upper Bicutan.
Naitala ng lungsod ang nasa 45 residente na nakaramdam ng pagsusuka at pagkahilo matapos kumain ng pastil na itinitinda sa isang stall.
Kaugnay nito, 13 ang nasa TPDH; 7 ang nasa iba pang ospital, at 22 ang napauwi na matapos ma-check-up at mabigyan ng gamot.
Ipinasara agad ang food stall na nagbenta ng pastil na posibleng naging sanhi ng food poisoning.
Kumuha na rin ng food sample para suriin, samantalang titingnan din ng Sanitation Office ang water source.