ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 5, 2024
Isa sa ating isinusulong ang mas aktibong pakikilahok ng local government units (LGUs) sa pagsugpo ng malnutrisyon, kakulangan sa nutrisyon, at stunting, lalo na sa mga mahihirap na pamilya.
Sinabi na noon ni Action for Economic Reform Executive Director Filomeno Sta. Ana III sa isang media briefing na kakailanganin ng pondong hindi bababa sa P40 bilyon upang itaas ang ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipinong Program (4Ps) para masugpo ang malnutrisyon at makaagapay sa epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), isa sa tatlong batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad. Binigyang-diin din ng pag-aaral ang pinsalang dulot ng stunting sa ekonomiya at pag-unlad ng bansa. Sa ulat ng UNICEF noong 2019, tinatayang umaabot sa P174.4 bilyon kada taon ang katumbas na pinsalang dulot ng stunting sa ekonomiya.
Bukod sa kinakailangang sapat na pondo, nais kong bigyang-diin ang mahalagang papel ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa para sa nutrisyon at feeding. Sa kanilang partisipasyon o aktibong pakikilahok, masusugpo natin ang malnutrisyon lalo na’t ang mga lokal na pamahalaan ang mas malapit sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong.
Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Care and Development Alignment Act (Senate Bill No. 2575) na inihain ng inyong lingkod, magiging responsable ang mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development (ECCD) na saklaw ang kabuuan ng mga programang pangkalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development upang tugunan ang pangangailangan ng mga batang wala pang limang taong gulang.
Nakasaad sa nasabing panukala na dapat maglaan ang mga LGU ng pondo mula sa kanilang Special Education Fund at Gender and Development Fund para sa pagpapatupad ng mga programa sa ECCD. Kasama sa magiging responsibilidad ng mga LGU ang pagkamit ng universal coverage para sa National ECCD System, ang probisyon ng mga pasilidad at iba pang resources, ang paglikha ng plantilla positions para sa mga child development teacher at child development worker, at iba pa.
Nakakabahalang maraming bata ang walang sigla dahil kulang sa masustansyang pagkain. Ang kanilang pisikal na kahinaan ay nagdudulot ng kawalan ng interes sa pag-aaral, hindi pagpasok sa eskwela, pagiging masakitin, kawalan ng ganang makipaglaro sa iba, at marami pang iba.
Tulad sa ibang bansa, dapat magkaroon din tayo ng ganitong programa para matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Bagama’t kakailanganin nito ng malaking pondo, hindi tayo titigil bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education na gumawa ng paraan para maisakatuparan ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com