ni Lolet Abania | January 27, 2021
Hindi lahat ng mga clinic at classroom sa mga pampublikong paaralan ay maaaring gamitin bilang vaccination centers ng COVID-19.
Ito ang naging tugon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, kung saan nakipag-usap na ang ahensiya sa Department of Health (DOH) sa suhestiyon nito na paggamit ng mga school facilities at gawing vaccination centers.
“Kailangang iplano 'yan nang maayos kasi mayroon tayong schools na malaki ang clinic, mayroon namang schools na maliit lang. So, depende 'yan sa sitwasyon ng eskuwelahan,” sabi ni Briones sa Laging Handa public briefing ngayong Martes.
“Hindi tayo makasabi generally lahat ng clinics magagamit, dahil baka mag-create pa ng problema kasi maliit masyado, kulang ang personnel o malayo sa isang health station,” dagdag pa ng kalihim.
Aniya, kinakailangan na pinag-iisipan nang mabuti ng mga opisyal sakaling balak nilang gamitin bilang quarantine at vaccination centers ang mga paaralan dahil maraming dapat na ikonsidera rito.
“Dapat hindi sila magkalapit. Kung may quarantine center, we think twice about using them also as vaccination center, especially kung iyong campus iisa lamang,” ani Briones.
Binigyang-diin pa ni Briones na hindi dapat kabilang ang mga public school teachers sa mga tutulong sa pagtuturok ng vaccine kontra sa COVID-19. “Idine-deny namin iyong perception na ang mga teacher ay sila mismo ang mag-vaccinate,” saad ni Briones.