ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 18, 2021
Marami pa ring Pinoy ang patuloy na naghihikahos sa gitna ng pandemya.
Ito ay dahil karamihan sa kanila ay nawalan ng hanapbuhay dahil hindi kinaya ng kumpanya ang pagkalugi at ang iba na bagama’t may trabaho, bawas naman ang sahod.
Sa kabila ng lahat ng ito, ipatutupad ang taas-singil sa mga transaksiyon sa automated teller machine (ATM), bagay na inalmahan ng ordinaryong mamamayan at ilang mambabatas.
Kasabay nito ang panawagan na ipagpaliban muna ang pagtaas ng mga bangko sa interbank charges dahil magiging pabigat ito sa mga konsumer na hirap pa ring makabangon.
Sa ngayon, inaasahang ipatutupad ang pagtaas ng interbank ATM transaction fees sa Abril 7, kung saan nasa P10 hanggang P18 na ang singil kada withdrawal transaction, habang ang balance inquiry naman ay P1.50 hanggang P2 na, kung ang terminal ay hindi sa iyong bangko.
Ngunit paliwanag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ito ay pinag-aralan at nagkaroon ng konsultasyon, kaya nakakuha ng approval ang mga bangko hinggil sa dagdag-singil, bagay na kailangan upang mapalakas pa ang banking system ng bansa.
Kung tutuusin, barya lang ito para sa iba, pero napakalaking bagay para sa ordinaryong mamamayan.
Bagama’t nais nating palakasin ang banking system ng bansa, paano naman ang ating mga kababayan? Kakarampot na lang ang kinikita, papatawan pa natin ng dagdag-singil.
Hindi natin maitatangging hanggang ngayon ay napakarami nating kababayang hirap na hirap makaraos sa araw-araw, kaya panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw ho para maipagpaliban ang taas-singil na ito.
Sa gitna ng pandemya, hangad nating makaraos ang bawat isa. Kaya utang na loob, ‘wag tayong magbulag-bulagan dahil sa totoo lang, hindi napapanahon para magdagdag tayo ng singil.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com