ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 21, 2021
Nakatakdang dumating ngayong ikalawa hanggang ikatlong linggo ng Pebrero ang COVID-19 vaccine mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO) pero naantala ito.
Kasabay ng patuloy na paghahanda ng mga lokal na pamahalaan at ilang ospital, humingi ng pasensiya si vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa mga alkalde ng Metro Manila dahil sa pagkaantala ng pagdating sa Pilipinas ng mga bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ni Galvez, naghigpit ang Pfizer sa indemnification agreement na gagarantiyang protektado ito mula sa habla, sakaling may makaranas ng adverse o negatibong side effect sa mga mababakunahan.
Rekisito ang indemnification agreement o bayad-pinsala — sa pagkuha ng Pilipinas ng tiyak na petsa ng pagdating ng COVAX facility vaccines sa bansa.
Habang naghihintay ang taumbayan sa pagdating at pag-rollout ng bakuna, inihayag ng Malacañang, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay naiinip na sa pagdating ng bakuna, na dapat darating ngayong buwan.
Gayundin, nananabik na umanong magpaturok ang mga frontliners, partikular ang mga medical workers bilang dagdag-proteksiyon laban sa virus.
Habang naghihintay ng bakuna, ang tanging magagawa natin ay ang ‘wag magpasaway.
Baka kasi masyado tayong kampante na may parating na bakuna, at ang ending, hindi pa man nababakunahan ay umaasta na tayong normal na ang lahat.
Panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw ho at ‘wag puro pramis. Sana naman, matiyak na kung kailan ang dating ng bakuna para maiwasan ang delay sa rollout at pagbabakuna.
Matatandaang kamakailan, sinabi pa nating handa na tayo sa gagawing pagbabakuna, pero ang ending, delayed pala.
Maraming umaasa sa bakuna para sa kanilang kaligtasan, lalo na ang mga medical frontliners na buwis-buhay sa araw-araw na pakikipaglaban sa pandemya.
Hangad nating masolusyunan ito agad dahil sayang ang panahon, lalo pa ngayong usap-usapan ang pagluluwag ng quarantine sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com