ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 5, 2021
Kasabay ng pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral na lumalahok sa distance learning, hinihikayat ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kanilang imbestigasyon laban sa mga estudyanteng diumano’y nagbebenta ng malalaswang litrato at video.
Inihalimbawa ng mambabatas ang isang artikulo sa Philippine Online Student Tambayan (POST), isang news portal para sa mga estudyante, kung saan naiulat na may ilang mag-aaral na nagsagawa ng “Christmas sale” ng kanilang malalaswang litrato at video para makabili ng gadget at makapagbayad ng internet para sa kanilang distance learning.
Gumamit pa umano ng hashtag ang mga ito na #AlterPH, #AlterPinay at #AlterPhilippines sa pagbebenta ng nasabing mga larawan sa Twitter kung saan ang ilang malalaswang materyal ay ibinebenta sa halagang P150. At minsan, pinagsasamantalahan ng masasamang-loob ang pangangailangan ng mga mag-aaral at dapat umano itong labanan ng pamahalaan.
Dahil dito, inatasan na ng mambabatas ang Department of Education (DepEd) na palakasin ang kanilang child protection program, kung saan ang child protection committees (CPC) sa mga paaralan ay inatasan ding kilalanin ang mga mag-aaral na nakararanas ng abuso o exploitation online.
Sa totoo lang, nakakalungkot dahil kailangang umabot ng ilang kabataan sa ganitong punto para lang maitaguyod ang kanilang pag-aaral.
Kaya ang tanong, sino ba ang kalaban natin dito, ang mga estudyante o kahirapan?
Hindi natin sinasabing tama ang ganitong gawain, ngunit kung tutuusin, gumagawa lang sila ng paraan para maitawid ang kanilang pag-aaral sa gitna ng pandemya. Kaya sana, alamin natin kung paano tayo makatutulong sa kanila at paano maiiwasan ang ganitong sitwasyon.
Kumbaga, alamin natin ang tunay na problema at saka solusyunan sa tamang paraan nang sa gayun ay walang mag-aaral na kakapit sa patalim para lang makapag-aral.
At tayong mga magulang, bantayan ang online activities ng mga bata, lalo na kung ito ay maaaring maging sanhi ng anumang klase ng pang-aabuso.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com