ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 8, 2021
Nakita natin ang kalahagahan ng bus lane.
Tuluy-tuloy ang biyahe, pagsasakay at pagbaba ng mga pasahero at walang singitan sa kalye.
Ito ang araw-araw na eksena sa kahabaan ng EDSA, na ikinatuwa naman ng mga motorista at komyuter.
Ngunit sa kabilang banda, ibang-iba ang sitwasyon sa ibang kalsada. Kapansin-pansing hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon ng ilang motorista.
Kaugnay nito, hindi pa rin talaga nawawala ang mga balagbag na public utility vehicle (PUV) driver, base sa natanggap naming reklamo.
Ayon sa nagreklamo, muntik nang tamaan ang kanilang sasakyan ng bus dahil aniya, wala itong takot na sumisingit. Bukod pa rito, ayaw nitong magbigay-daan sa kapwa motorista.
Nakadidismaya dahil sa totoo lang, 2021 na pero mayroon pa ring tsuper na walang ingat sa kalsada.
Imbes na mag-ingat dahil may dalang mga pasahero, hayan at parang wala kayong takot na masangkot sa aksidente.
Siguro, hindi na sapat ang mga paalala at babala dahil kahit ano’ng salita natin, wa’ paki talaga ang iba at hindi madadala hangga’t walang nasasaktan.
Kaya naman, suhestiyon natin sa mga kinauukulan, baka puwedeng magkaroon din ng bus lane ang ibang pangunahing kalsada sa Metro Manila tulad ng Quezon Avenue. Pag-aralan na kung kakayanin ang ganitong solusyon dahil kung hindi madadaan sa pakiusap ang mga motorista, kailangan talaga ng iba pang hakbang.
Kung nakita natin ang magandang resulta nito sa EDSA, malamang, malaking pakinabang din ito sa ibang kalsada, hindi lang sa mga komyuter kundi pati sa ibang motorista.
Paalala naman sa mga motorista at PUV driver d’yan, hindi n’yo pag-aari ang mga kalyeng dinaraanan n’yo kaya utang na loob, matuto tayong magbigayan at pairalin ang disiplina sa lahat ng oras.
Isa pa, palagi tayong nagrereklamo na kesyo trapik, eh, tayo rin naman ang nagpapasaway sa kalsada. Sa totoo lang, hindi na natin kailangang magpaalala at magmakaawa sa bawat isa na maging disiplinado at mapagbigay sa kalsada, pero heto tayo at muling nagpapaalala.
Kaya para maiwasan ang anumang sakuna, nawa’y lahat ay makipagtulungan. Hindi lang ito para sa ating sarili kundi para rin sa ating kapwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com