ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 14, 2021
Hindi bababa sa 20 bus na dumadaan sa EDSA-Santolan busway ang tinikitan ng mga kawani ng Inter-Agency Council Traffic (I-ACT) dahil sa hindi pagsunod sa health protocols vs. COVID-19, partikular sa ipinatutupad na one-seat-apart ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan.
Ayon sa lider ng I-ACT team, kabilang sa mga nasita ay ang hindi pagpapatupad ng one-seat-apart na utos ng pandemic task force, na mahalaga upang maipatupad ang physical distancing sa mga pasahero.
Kaya matapos ang ilang linggong pagbibigay-babala at paalala sa mga bus driver, konduktor at operators, nagsimula nang maniket noong Martes ang task force sa mga lumalabag.
Giit ng I-ACT, dapat nasa 50% lang ang kapasidad ng mga bus, kaya nasa 25% hanggang 30% lang ang mga pasaherong dapat isinasakay ng mga ito.
Kabilang sa mga nasita ay ang isang bus na eksaktong nagsakay ng pasahero sa Santolan station.
Paliwanag ng drayber, sumusunod sila sa kautusan sa one seat apart, ngunit naaktuhan lamang na hindi nila napansin kung saan umupo ang pasaherong kasasakay lang.
Samantala, tuluy-tuloy ang paniniket ng I-ACT hanggang sa matuto umano ang mga bus driver at konduktor na seryosohin ang health protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa totoo lang, matagal nang ganito ang sitwasyon sa mga pampublikong sasakyan. Tipong kahit dikit-dikit ang mga pasahero, dedma na para lang makapasok o makauwi sa trabaho.
At siyempre, dahil parang wala namang nagrereklamo, larga lang nang larga ang mga tsuper dahil dagdag-kita rin.
Ngunit sa kabilang banda, nakadidismaya rin dahil parang wala tayong kadala-dala. Ang nangyayari kasi, wa’ ‘wenta ang mga protocols dahil hindi naman sinusunod.
Baka nakakalimutan nating ginagawa ang mga ito bilang hakbang kontra COVID-19.
Tandaan, hindi pa rin bumubuti ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, kaya hindi dapat isantabi ang pag-iingat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com