ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 28, 2021
Habang papalapit ang pagdating ng COVID-19 vaccine sa bansa, marami pa rin tayong kababayan na may agam-agam pagdating sa pagbabakuna.
Siguro, takot ang ilan at ‘yung iba naman, hati pa ang opinyon.
Kaugnay nito, hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing ang mga lokal na pamahalaan na bigyan ng sapat na kaalaman ang kanilang constituents hinggil sa bakuna vs. COVID-19.
Paliwanag ng opisyal, kailangang maipaalam at maipaliwanag nang mabuti sa publiko ang impormasyon at kaalaman tungkol sa bakuna.
Gayundin, wala umanong puwang para sa pagkakamali sa vaccination program ng pamamaraan na maaaring isagawa upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa bansa.
Sa totoo lang, dapat naman talagang magkaroon ng kaalaman ang taumbayan sa bakuna dahil ngayong talamak “misinformation” hinggil sa COVID-19 vaccine, talagang maraming tao ang nagdadalawang-isip magpabakuna.
Hindi naman nakamamatay ang pagbibigay ng tamang impormasyon dahil ang masama ay ‘yung maniniwala sila sa mga sabi-sabi at ang masaklap, sila pa ang mapapahamak.
Gayunman, habang todo-effort ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng maayos na vaccination program sa kani-kanilang lungsod, isabay na rin ang malawakang information drive tungkol sa bakuna. Sa ganitong paraan kasi, maiiwasan ang maling paniniwala.
At tayo namang taumbayan, ‘wag tayo bastang magpaniwala sa mga sabi-sabi. Bago maniwala, tiyaking tunay ang impormasyon.
Tandaan, hindi lang basta makapagturok ang ating layunin dahil kailangan din nating matiyak na nauunawaan ng taumbayan na para ito sa kanilang ikabubuti.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com