ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 31, 2021
Nagbayad ng P1,500 multa ang events host at social media personality na si Tim Yap kasama ang asawa ni Mayor Benjamin Magalong na si Arlene Magalong, aktres na si KC Concepcion at 30 pang bisita sa kontrobersiyal na birthday party na ginanap sa The Manor sa loob ng Camp John Hay sa Baguio City.
Ito ang resulta ng paglabag sa COVID-19 health protocols ng mga nabanggit na personalidad kung saan P1,000 ang multa dahil sa paglabag sa hindi pagsusuot ng facemask at P500 sa kabiguang sumunod sa physical distancing sa naturang party.
Bukod pa rito, nagmulta rin ng kabuuang P9,000 ang The Manor P1,000 para sa paglabag sa Ord. 45-2020 Physical Distancing Ordinance at P5,000 sa Ord. 53-2020 New Normal Operation for Business Establishments.
Samantala, umani ng iba’t ibang reaksiyon sa taumbayan ang naganap na party at pagmumulta.
Tulad ng inaasahan, hindi ikinatuwa ng netizens ang naging aksiyon sa paglabag ng mga nabanggit na personalidad, gayundin ang mga kasama nito. Pero ang iba naman, hayaan na lang daw dahil nagmulta naman.
Giit ng netizens, parang hindi naman patas ang pagpaparusa sa mga lumalabag sa quarantine protocols. Anila, ‘pag ordinaryong mamamayan ang lumabag, kulong agad, pero ‘pag artista o mayaman, multa lang?
Kung tutuusin, may punto ang netizens dahil karamihan sa mga ordinaryong mamamayan na lumabag noon, napilitan lang para makapaghanapbuhay, pero ang mga nag-party, nagsaya lang. Tsk!
Dahil dito, panawagan sa mga kinauukulan, maging patas tayo sa pagpaparusa sa mga lumalabag.
Nakadidismaya kasi na palagi nating sinasabi na mananagot ang dapat managot, pero ang totoong nangyayari, ‘yung mga walang pera lang ang napaparusahan.
Siguro, isa rin ito sa mga dahilan kaya hindi na siniseryoso ng ilan ang mga umiiral na health protocols dahil katwiran nila, mga nakaaangat nga sa buhay ay puwedeng lumabag, bakit sila, hindi?
Bagama’t dapat lang namang magmulta ang mga ito, pakiusap natin sa mga awtoridad, ‘wag tayo puro salita at banta.
Parusahan ang mga dapat parusahan, anuman ang kanilang posisyon sa buhay. Dahil sa panahong ito, dapat maging mas seryoso tayo sa ating mga babala dahil kaligtasan ng taumbayan ang ating itinataya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com