ni Jasmin Joy Evangelista | March 23, 2022
Nagpaalala si presidential candidate VP Leni Robredo sa mga botante na mag-‘verify ng receipt’ sa tuwing sasabihin ng pulitiko na sila ay advocate ng isang sektor ng lipunan o kung sila ay kontra-korapsiyon.
“Pag panahon ng eleksyon dapat ganiyan, ‘di ba? ‘Pag panahon ng eleksyon, kapag may pupunta dito sasabihin, ‘mahal ko ‘yung mga mahihirap’. Dapat tanungin natin, paano ba nila ipinakita ang pagmamahal nila sa mahihirap?” pahayag ng presidential candidate sa mga Novo Ecijanos sa ginanap na Pink Rally sa San Jose City, Nueva Ecija nitong Martes.
“Pag sinabi pong ayaw sa korapsyon, hanapan natin ng resibo. Eh papaano naman ayaw sa korapsyon kung hindi nga nagbabayad ng buwis?” dagdag niya.
Kasabay nito ay inihayag ni Robredo ang long list ng kanyang resibo upang mapatunayan ang kanyang adbokasiya lanan sa korapsiyon.
“Ang pinakaresibo nga po namin sa Office of the Vice President, taon-taon nakukuha namin ang pinakamataas na COA Audit Rating. Hindi na po ‘yun kami lang nagsasabi pero isang independent na government agency ang nagsasabi, malinis ang aming pagpapatakbo,” paliwanag niya.
Hinikayat din niya ang mga botante na i-verify ang kanilang sources at mag-background check sa mga kandidato upang makapagdesisyon nang tama sa May 9.
“Halos buong buhay natin, ginugol natin sa mga communities at alam niyo ‘yan dahil kapag tinignan niyo po ‘yung aming mga record, kumpleto kami ng resibo,” ani Robredo.
”Yun lang po ‘yung pakiusap ko sa inyo. Ngayon kasi maraming napapapaniwala sa napakaraming fake news. Pagtulungan po natin lahat. Pagtulungan po natin ‘yung mga kababayan natin na tama ‘yung basehan nila sa pagdedesisyon,” dagdag pa niya.