ni Angela Fernando @News | Oct. 22, 2024
Photo: Leila De Lima at Rodrigo Duterte - FB
Nagpahayag si dating Senadora at Justice Sec. Leila de Lima nitong Martes na hindi mapipigilan ng pamahalaan ng 'Pinas ang International Criminal Court (ICC) sa pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal kaugnay ng war on drugs.
Ayon kay De Lima, ang nasabing mga krimen ay may kaparusahan sa ilalim ng batas ng bansa. Tinukoy niya ang Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na nagpaparusa sa mga krimen laban sa mga indibidwal tulad ng: sadyang pagpatay, extermination, enslavement, arbitrary deportation, pagkakulong o iba pang malubhang paglabag sa kalayaan na umaapak sa mga batayang patakaran ng batas pang-internasyonal at pagpapahirap o torture.
Kasama rin sa mga krimen laban sa mamamayan ang iba pang hindi makataong gawain na may katulad na katangian, o sadyang nagdudulot ng matinding pagdurusa at malubhang pinsala sa katawan, isipan, kalusugan, at iba pa. “Hindi natin [puwedeng] pigilan ang ICC [na mag-imbestiga].
Du'n sila nakatutok [du'n] sa may greatest responsibility,” saad ni de Lima sa mga mambabatas sa imbestigasyon ng House QuadComm kadikit ng war on drugs sa ilalim ng administrasyong Duterte. Matatandaang iniimbestigahan na si Duterte at iba pang matataas na opisyal sa kanyang administrasyon ng ICC kaugnay ng mga nasabing krimen kadikit ng marahas na pagpatay sa mga nakaladkad sa isyu ng droga.
Ayon sa mga record ng pulisya, umabot sa humigit-kumulang 6K ang mga namatay, ngunit iginiit ng mga human rights groups na umabot ito sa 30K, kasama na ang mga biktima ng pamamaslang ng mga ‘vigilante,’ na bunga ng polisiya ni Duterte.