ni Mary Gutierrez Almirañez | March 13, 2021
Inumpisahan na ang 3-day localized enhanced community quarantine (LECQ) ng dalawang zones sa Barangay Pio del Pilar, Makati City simula kaninang 12:01 nang madaling-araw at magtatapos sa ika-16 ng Marso hanggang 11:59 nang gabi, dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19, ayon sa nilagdaang Executive Order No. 6 ni Mayor Abby Binay.
Base sa huling tala, umabot na sa 759 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Sa kabuuang bilang ay 12,339 na ang mga naitalang kaso, kung saan 11,140 ang gumaling, habang 440 naman ang namatay.
Batay pa sa ulat, kabilang ang mga sumusunod na zone sa may kritikal na kaso ng COVID-19:
Zone 1
• Mayor St. (mula Cuangco St. hanggang Jerry St.)
• Jerry St. (buong kalsada)
• Cuangco St. (mula Mayor St. hanggang M. Reyes St.)
• M. Reyes St. (mula Cuangco St. hanggang Arguelles St.)
Zone 2
• Arguelles St. (mula Evangelista St. hanggang A. Apolinario St.)
• Apolinario St. (mula Arguelles St. hanggang Calhoun St.)
• Calhoun St. (mula A. Apolinario St. hanggang Evangelista St.)
• Evangelista St. (mula Calhoun St. hanggang Arguelles St.)
Sa ilalim ng LECQ, bantay-sarado ng Makati Public Safety Department (PSD) ang bawat eskinita kung saan bawal lumabas ang mga residente kung walang importanteng dahilan. Inatasan ding magbahay-bahay ang Makati City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) para isagawa ang swab testing. Ang magpopositibo sa test ay kaagad dadalhin sa quarantine facility upang hindi mahawahan ang ibang miyembro ng pamilya.
Sa ngayon ay patuloy ang pamimigay ng ayudang pagkain at gamot sa mga naka-lockdown na lugar mula sa pamahalaang lungsod.