Pinuri ang Department of Health at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa pagbibigay pahintulot sa bansa na makibahagi sa trial test ng World Health Organization (WHO) sa bisa ng bagong gamot na ginagamit ng Estados Unidos, Japan at South Korea laban sa Covid-19.
Ang tinutukoy na gamot ay ang Remdesivir na gawa ng Gilead, ang pharmaceutical company na nakabase sa California, USA.
Sa privilege speech ni Lone San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes, sinabi nitong ang isa sa nasa likod ng development ng Remdesivir ay isang Filipino-American mula sa San Jose Del Monte City na may kaugnayan sa kanyang pamilya pero, tumanggi na itong magbigay pa ng karagdagang detalye.
Matatandaang, lumahok ang Pilipinas sa WHO Solidarity Trial for Remdesivir na may 117 patients registered sa 15 study sites (14 hospitals sa NCR at 1 Davao).
Ayon sa WHO, ikukumpara ang Solidarity Trial sa apat na treatment options laban sa standard of care, upang masuri kung ano ang mas epektibong pangontra sa Covid-19.
Napag-alaman na ang test na isinagawa ng United Institute National Institute of Allergy and Infectious Diseases sa Remdesivir ay nagresulta ng pagbaba ng recovery time ng 11 araw kumpara sa 15 araw sa placebo group.
Nabawasan din nito ng walong porsiyente ang fatality rate na nabigyan ng Remdesivir kumpara sa 11 percent sa placebo group.