Binawi ng Palasyo ang naunang pahayag nito na pinapayagan na ang pagbiyahe ng mga motorsiklong may sidecar sa mga national highway.
Paglilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque, bawal pa rin ang mga tricycle at iba pang may sidecar sa mga highway ngunit, pansamantala munang itinigil ang paghuli sa mga ito.
"Interior and Local Government Secretary Eduardo Año clarifies that although apprehension from the Highway Patrol Group (HPG) is temporarily suspended, such are still prohibited from traversing the national highways," aniya sa isang pahayag, Huwebes ng gabi.
Naunang sinabi ni Roque na puwede nang bumiyahe ang mga may sidecar sa mga highway ngayong karamihan sa lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
"Pinapayagan na po ngayon ang mga sidecars sa national highways," ani Roque nitong Huwebes ng tanghali.
"'Yan po ay para maibsan ang kakulangan ng transportasyon ngayong nag-GCQ na at MGCQ sa maraming areas," dagdag niya.